2. At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
3. Anak ng tao, salitain mo sa mga matanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kayo baga'y naparito upang sumangguni sa akin? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ako mapagsasanggunian ninyo.
4. Hahatulan mo baga sila, anak ng tao, hahatulan mo baga sila? Ipakilala mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga magulang;
5. At sabihin mo sa kanila; Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nang araw na aking piliin ang Israel, at itaas ko ang aking kamay sa lahi ng sangbahayan ni Jacob, at pakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto, na iginawad ko ang aking kamay sa kanila na sinabi, Ako ang Panginoon ninyong Dios;
6. Nang araw na yaon ay iginawad ko ang aking kamay sa kanila, upang ilabas ko sila sa lupain ng Egipto, na dalhin sa lupain na aking itinaan sa kanila na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain.
7. At sinabi ko sa kanila, Itakuwil ng bawa't isa sa inyo ang mga bagay na kasuklamsuklam sa kaniyang mga mata, at huwag kayong mangahawa sa mga diosdiosan ng Egipto; ako ang Panginoon ninyong Dios.
8. Nguni't sila'y nanghimagsik laban sa akin, at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawa't isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga mata, o nilimot man nila ang mga diosdiosan sa Egipto. Nang magkagayo'y sinabi kong aking ibubuhos sa kanila ang aking kapusukan, upang ganapin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Egipto.
9. Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay napakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Egipto.
10. Sa gayo'y pinalabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, at dinala ko sila sa ilang.
11. At ibinigay ko sa kanila ang aking mga palatuntunan, at itinuro ko sa kanila ang aking mga kahatulan, na kung isagawa ng tao ay mabubuhay sa mga yaon.
12. Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
13. Nguni't ang sangbahayan ni Israel ay nanghimagsik laban sa akin sa ilang: sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, na kung gawin ng tao, ay mabubuhay sa mga yaon; at ang aking mga sabbath ay kanilang nilapastangang mainam. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila sa ilang, upang lipulin sila.
14. Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay aking inilabas sila.
15. Bukod dito'y iginawad ko naman ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang huwag ko silang dalhin sa lupain na aking ibinigay sa kanila, na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain;
16. Sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at hindi nagsilakad ng gayon sa aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath: sapagka't ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diosdiosan.