Ezekiel 20:17-34 Ang Biblia (TLAB)

17. Gayon ma'y ang aking mata ay nagpatawad sa kanila at hindi ko sila nilipol, o ginawan ko man sila ng lubos na kawakasan sa ilang.

18. At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong magsilakad ng ayon sa mga palatuntunan ng inyong mga magulang, o ingatan man ang kanilang mga kahatulan, o magpakahawa man sa kanilang mga diosdiosan:

19. Ako ang Panginoon ninyong Dios: magsilakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at ingatan ninyo ang aking mga kahatulan, at inyong isagawa;

20. At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios.

21. Nguni't ang mga anak ay nanganghimagsik laban sa akin; sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, o nangagingat man ng aking mga kahatulan upang isagawa, na kung gawin ng tao ay mabubuhay sa mga yaon: kanilang nilapastangan ang aking mga sabbath. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila, upang ganapin ang aking galit sa kanila sa ilang.

22. Gayon ma'y iniurong ko ang aking kamay, gumawa ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay inilabas ko sila.

23. Bukod dito'y itinaas ko ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang pangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at panabugin sila sa mga lupain;

24. Sapagka't hindi nila isinagawa ang aking mga kahatulan, kundi itinakuwil ang aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakasunod sa mga diosdiosan ng kanilang mga magulang.

25. Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga palatuntunan na hindi mabuti, at ng mga kahatulan na hindi nila kabubuhayan;

26. At ipinariwara ko sila sa kanilang sariling mga kaloob, sa kanilang pagpaparaan sa apoy ng lahat na nangagbubukas ng bahay-bata, upang aking ipahamak sila, upang kanilang maalaman na ako ang Panginoon.

27. Kaya't, anak ng tao, salitain mo sa sangbahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa ganito ma'y nilapastangan ako ng inyong mga magulang, sa kanilang pagsalangsang laban sa akin.

28. Sapagka't nang dalhin ko sila sa lupain, na aking pinaggawaran ng aking kamay upang ibigay ko sa kanila, kanila ngang nakita ang lahat na mataas na burol, at lahat na mayabong na punong kahoy, at inihandog nila roon ang kanilang mga hain, at doo'y kanilang iniharap ang nakagagalit nilang handog; nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog.

29. Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Anong kahulugan ng mataas na dako na inyong pinaroroonan? Sa gayo'y ang pangalan niyaon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.

30. Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nangagpakarumi baga kayo ng ayon sa paraan ng inyong mga magulang? at kayo baga'y nagpatutot ng ayon sa kanilang mga kasuklamsuklam?

31. At pagka inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, pagka, inyong pinararaan sa apoy ang inyong mga anak, nangagpapakarumi baga kayo sa lahat ninyong diosdiosan hanggang sa araw na ito? at ako baga'y mapagsasanggunian ninyo, Oh sangbahayan ni Israel? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ninyo ako mapagsasanggunian;

32. At ang nagmumula sa inyong pagiisip ay hindi mangyayari sa anomang paraan, sa inyong sinasabi, Kami ay magiging gaya ng mga bansa; na gaya ng mga angkan ng mga lupain upang mangaglingkod sa kahoy at bato.

33. Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsalang sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng kapusukan na ibinubugso, ay maghahari ako sa inyo.

34. At ilalabas ko kayo na mula sa mga bayan, at pipisanin ko kayo na mula sa mga lupain, na inyong pinangalatan, sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng kapusukan na ibinubuhos;

Ezekiel 20