Ezekiel 20:13-26 Ang Biblia (TLAB)

13. Nguni't ang sangbahayan ni Israel ay nanghimagsik laban sa akin sa ilang: sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, na kung gawin ng tao, ay mabubuhay sa mga yaon; at ang aking mga sabbath ay kanilang nilapastangang mainam. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila sa ilang, upang lipulin sila.

14. Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay aking inilabas sila.

15. Bukod dito'y iginawad ko naman ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang huwag ko silang dalhin sa lupain na aking ibinigay sa kanila, na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain;

16. Sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at hindi nagsilakad ng gayon sa aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath: sapagka't ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diosdiosan.

17. Gayon ma'y ang aking mata ay nagpatawad sa kanila at hindi ko sila nilipol, o ginawan ko man sila ng lubos na kawakasan sa ilang.

18. At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong magsilakad ng ayon sa mga palatuntunan ng inyong mga magulang, o ingatan man ang kanilang mga kahatulan, o magpakahawa man sa kanilang mga diosdiosan:

19. Ako ang Panginoon ninyong Dios: magsilakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at ingatan ninyo ang aking mga kahatulan, at inyong isagawa;

20. At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios.

21. Nguni't ang mga anak ay nanganghimagsik laban sa akin; sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, o nangagingat man ng aking mga kahatulan upang isagawa, na kung gawin ng tao ay mabubuhay sa mga yaon: kanilang nilapastangan ang aking mga sabbath. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila, upang ganapin ang aking galit sa kanila sa ilang.

22. Gayon ma'y iniurong ko ang aking kamay, gumawa ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay inilabas ko sila.

23. Bukod dito'y itinaas ko ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang pangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at panabugin sila sa mga lupain;

24. Sapagka't hindi nila isinagawa ang aking mga kahatulan, kundi itinakuwil ang aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakasunod sa mga diosdiosan ng kanilang mga magulang.

25. Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga palatuntunan na hindi mabuti, at ng mga kahatulan na hindi nila kabubuhayan;

26. At ipinariwara ko sila sa kanilang sariling mga kaloob, sa kanilang pagpaparaan sa apoy ng lahat na nangagbubukas ng bahay-bata, upang aking ipahamak sila, upang kanilang maalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 20