Ezekiel 18:4-18 Ang Biblia (TLAB)

4. Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.

5. Nguni't kung ang isang tao ay maging ganap, at gumawa ng tapat at matuwid,

6. At hindi kumain sa mga bundok, o itinaas man ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel, o nadumhan man ang asawa ng kaniyang kapuwa, o lumapit man sa isang babae na may kapanahunan:

7. At hindi pumighati sa kanino man, kundi nagsauli ng sangla sa mangungutang sa kaniya, hindi sumamsam ng anoman sa pamamagitan ng pangdadahas nagbigay ng kaniyang tinapay sa gutom, at nagbalot ng kasuutan sa hubad;

8. Siya na hindi nagbigay na may patubo, o kumuha man ng anomang pakinabang, na iniurong ang kaniyang kamay sa kasamaan, gumawa ng tunay na kahatulan sa tao't tao,

9. Lumakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at nagingat ng aking mga kahatulan upang gawing may katotohanan; siya'y ganap, siya'y walang pagsalang mabubuhay, sabi ng Panginoong Dios.

10. Kung siya'y magkaanak ng isang lalake na tulisan, mangbububo ng dugo, at gumagawa ng alin man sa mga ganitong bagay,

11. At hindi gumagawa ng alin man sa mga katungkulang yaon, kundi kumain nga sa mga bundok, at nadumhan ang asawa ng kaniyang kapuwa,

12. Pumighati ng dukha at mapagkailangan, sumamsam sa pamamagitan ng pangdadahas, hindi nagsauli ng sangla, at itinaas ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan, gumawa ng kasuklamsuklam.

13. Nagbigay na may patubo, at tumanggap ng pakinabang; mabubuhay nga baga siya? siya'y hindi mabubuhay: kaniyang ginawa ang lahat na kasuklamsuklam na ito: siya'y walang pagsalang mamamatay; ang kaniyang dugo ay sasa kaniya.

14. Ngayon, narito, kung siya'y magkaanak ng isang lalake, na nakikita ang lahat na kasalanan ng kaniyang ama na ginawa, at natatakot, at hindi gumagawa ng gayon;

15. Na hindi kumain sa mga bundok, o itinaas man ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel; hindi nadumhan ang asawa ng kaniyang kapuwa,

16. O pumighati man sa kanino man, hindi tumanggap ng anomang sangla, o sumamsam man sa pamamagitan ng pangdadahas, kundi nagbigay ng kaniyang tinapay sa gutom, at nagbalot ng kasuutan sa hubad;

17. Na iniurong ang kaniyang kamay sa dukha, na hindi tumanggap ng patubo o ng pakinabang man, ginawa ang aking mga kahatulan, lumakad sa aking mga palatuntunan, hindi siya mamamatay, ng dahil sa kasamaan ng kaniyang ama, siya'y walang pagsalang mabubuhay.

18. Tungkol sa kaniyang ama, sapagka't siya'y pumighating may kabagsikan, sumamsam sa kaniyang kapatid sa pamamagitan ng pangdadahas, at gumawa ng hindi mabuti sa gitna ng kaniyang bayan, narito siya'y mamamatay sa kaniyang kasamaan.

Ezekiel 18