Ezekiel 16:8-25 Ang Biblia (TLAB)

8. Nang ako nga'y magdaan sa tabi mo, at tumingin sa iyo, narito, ang iyong panahon ay panahon ng pagibig; at aking iniladlad ang aking balabal sa iyo, at tinakpan ko ang iyong kahubaran: oo, ako'y sumumpa sa iyo, at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong Dios, at ikaw ay naging akin.

9. Nang magkagayo'y pinaliguan kita ng tubig; oo, aking nilinis na mainam ang iyong dugo, at pinahiran kita ng langis.

10. Binihisan din naman kita ng yaring may burda, at sinapatusan kita ng balat ng foka, at binigkisan kita sa palibot ng mainam na kayong lino, at binalot kita ng sutla.

11. Ginayakan din naman kita ng hiyas, at nilagyan ko ng mga pulsera ang iyong mga kamay, at ng isang kuwintas ang iyong leeg.

12. At nilagyan ko ng hikaw ang iyong ilong, at ng mga hikaw ang iyong mga tainga, at isang magandang putong ang iyong ulo.

13. Ganito ka nagayakan ng ginto at pilak; at ang iyong damit ay mainam na kayong lino, at sutla at yaring may burda; ikaw ay kumain ng mainam na harina, at ng pulot, at ng langis; at ikaw ay lubhang maganda, at ikaw ay guminhawa sa kalagayang pagkahari.

14. At ang iyong kabantugan ay nangalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagka't naging sakdal dahil sa aking kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Dios.

15. Nguni't ikaw ay tumiwala sa iyong kagandahan, at nagpatutot dahil sa iyong kabantugan, at ikinalat mo ang iyong mga pakikiapid sa bawa't nagdaraan; yao'y kaniya nga.

16. At kinuha mo ang iyong mga suot, at ginawa mo para sa iyo ang mga mataas na dako na kagayakan na may sarisaring kulay, at nagpatutot sa kanila: ang gayong mga bagay ay hindi na darating, o mangyayari pa man.

17. Kinuha mo naman ang iyong mga magandang hiyas na ginto at pilak, na aking ibinigay sa iyo, at ginawa mo sa iyo ng mga larawan ng mga tao, at iyong ipinagpatutot sa kanila;

18. At iyong kinuha ang iyong mga bihisang may burda, at ibinalot mo sa kanila, at inilagay mo ang aking langis at ang aking kamangyan sa harap nila.

19. Ang aking tinapay naman na aking ibinigay sa iyo, mainam na harina, at langis, pulot, na aking ipinakain sa iyo, iyong inilagay nga sa harap nila na pinakamasarap na amoy; at ganito nangyari, sabi ng Panginoong Dios.

20. Bukod dito'y kinuha mo ang iyong mga anak na lalake at babae, na iyong ipinanganak sa akin, at ang mga ito ay iyong inihain sa kanila upang lamunin. Ang iyo bagang mga pakikiapid ay maliit na bagay.

21. Na iyong pinatay ang aking mga anak, at iyong ibinigay sila na pinararaan sila sa apoy?

22. At sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam, at ng iyong mga pakikiapid hindi mo inalaala ang mga kaarawan ng iyong kabataan, nang ikaw ay hubo at hubad, at nagugumon sa iyong dugo.

23. At nangyari, pagkatapos ng iyong buong kasamaan (sa aba, sa aba mo! sabi ng Panginoong Dios),

24. Na ikaw ay nagtayo para sa iyo ng isang matayog na dako, at gumawa ka para sa iyo ng mataas na dako sa bawa't lansangan.

25. Itinayo mo ang iyong mataas na dako sa bawa't bukana ng daan, at ginawa mong kasuklamsuklam ang iyong kagandahan, at ibinuka mo ang iyong mga paa sa bawa't nagdaraan, at pinarami mo ang iyong pakikiapid.

Ezekiel 16