Ezekiel 16:51-61 Ang Biblia (TLAB)

51. Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan, nguni't pinarami mo ang iyong mga kasuklamsuklam na higit kay sa kanila, at iyong pinabuti ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat mong mga kasuklamsuklam na iyong ginawa.

52. Ikaw rin naman, taglayin mo ang iyong sariling kahihiyan, sa iyong paglalapat ng kahatulan sa iyong mga kapatid na babae; sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kay sa kanila, sila'y lalong matuwid kay sa iyo: oo, malito ka, at taglayin mo ang iyong kahihiyan, sa iyong pagpapabuti sa iyong mga kapatid na babae.

53. At aking panunumbalikin uli sila mula sa kanilang pagkabihag, sa pagkabihag ng Sodoma at ng kaniyang mga anak na babae, at sa pagkabihag ng Samaria at ng kaniyang mga anak na babae, at sa pagkabihag ng iyong mga bihag sa gitna nila.

54. Upang iyong taglayin ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat na iyong ginawa sa iyong pagaliw sa kanila.

55. At ang iyong mga kapatid na babae ang Sodoma at ang kaniyang mga anak na babae mangagbabalik sa kanilang dating kalagayan; at ang Samaria at ang kaniyang mga anak na babae ay mangagbabalik sa kanilang dating kalagayan; at ikaw at ang iyong mga anak ay mangagbabalik sa inyong dating kalagayan.

56. Sapagka't ang iyong kapatid na babae na Sodoma ay hindi nabanggit ng iyong bibig sa kaarawan ng iyong kapalaluan;

57. Bago nalitaw ang iyong kasamaan, gaya sa panahon ng kapulaan sa mga anak na babae ng Siria, at sa lahat na nangasa palibot niya, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na siyang kumukutya sa iyo sa palibot.

58. Iyong isinagawa ang iyong kahalayan at ang iyong mga kasuklamsuklam, sabi ng Panginoon.

59. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Akin namang gagawin sa iyo na gaya ng iyong ginawa, na iyong hinamak ang sumpa sa pagsira ng tipan.

60. Gayon ma'y aalalahanin ko ang aking tipan sa iyo nang mga kaarawan ng iyong kabataan, at aking itatatag sa iyo ang isang walang hanggang tipan.

61. Kung magkagayo'y aalalahanin mo ang iyong mga lakad, at mapapahiya ka, pagka iyong tatanggapin ang iyong mga kapatid na babae, ang iyong mga matandang kapatid at ang iyong batang kapatid: at aking ibibigay sila sa iyo na mga pinakaanak na babae, nguni't hindi sa pamamagitan ng iyong tipan.

Ezekiel 16