Ezekiel 16:17-29 Ang Biblia (TLAB)

17. Kinuha mo naman ang iyong mga magandang hiyas na ginto at pilak, na aking ibinigay sa iyo, at ginawa mo sa iyo ng mga larawan ng mga tao, at iyong ipinagpatutot sa kanila;

18. At iyong kinuha ang iyong mga bihisang may burda, at ibinalot mo sa kanila, at inilagay mo ang aking langis at ang aking kamangyan sa harap nila.

19. Ang aking tinapay naman na aking ibinigay sa iyo, mainam na harina, at langis, pulot, na aking ipinakain sa iyo, iyong inilagay nga sa harap nila na pinakamasarap na amoy; at ganito nangyari, sabi ng Panginoong Dios.

20. Bukod dito'y kinuha mo ang iyong mga anak na lalake at babae, na iyong ipinanganak sa akin, at ang mga ito ay iyong inihain sa kanila upang lamunin. Ang iyo bagang mga pakikiapid ay maliit na bagay.

21. Na iyong pinatay ang aking mga anak, at iyong ibinigay sila na pinararaan sila sa apoy?

22. At sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam, at ng iyong mga pakikiapid hindi mo inalaala ang mga kaarawan ng iyong kabataan, nang ikaw ay hubo at hubad, at nagugumon sa iyong dugo.

23. At nangyari, pagkatapos ng iyong buong kasamaan (sa aba, sa aba mo! sabi ng Panginoong Dios),

24. Na ikaw ay nagtayo para sa iyo ng isang matayog na dako, at gumawa ka para sa iyo ng mataas na dako sa bawa't lansangan.

25. Itinayo mo ang iyong mataas na dako sa bawa't bukana ng daan, at ginawa mong kasuklamsuklam ang iyong kagandahan, at ibinuka mo ang iyong mga paa sa bawa't nagdaraan, at pinarami mo ang iyong pakikiapid.

26. Ikaw naman ay nakiapid din sa mga taga Egipto, na iyong mga kalapit bayan, na malaki sa pangangatawan; at iyong pinarami ang iyong pakikiapid upang mungkahiin mo ako sa galit.

27. Narito nga, iniunat ko ang aking kamay sa iyo, at binawasan ko ang iyong karaniwang pagkain, at ibinigay kita sa balang maibigan ng nangagtatanim sa iyo, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na nangapapahiya sa iyong kalibugan.

28. Ikaw naman ay nagpatutot din sa mga taga Asiria, sapagka't ikaw ay hindi nasisiyahan: oo, ikaw ay nagpatutot sa kanila, at gayon ma'y hindi ka nasisiyahan.

29. Bukod dito'y iyong pinarami ang iyong pakikiapid sa lupain ng Canaan, hanggang sa Caldea; at gayon ma'y hindi ka nasisiyahan.

Ezekiel 16