Ezekiel 12:17-28 Ang Biblia (TLAB)

17. Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

18. Anak ng tao, kanin mo ang iyong tinapay na may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig na may pangangatal at may pagkatakot;

19. At sabihin mo sa bayan ng lupain, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios tungkol sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa lupain ng Israel. Sila'y magsisikain ng kanilang tinapay na may pagkatakot, at nanglulupaypay na iinom ng tubig, upang ang kaniyang lupain ay masira na mawawalan ng lahat na nandoon, dahil sa pangdadahas nilang lahat na nagsisitahan doon.

20. At ang mga bayan na tinatahanan ay mawawasak, at ang lupain ay masisira; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

21. At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

22. Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na sinasambit ninyo sa lupain ng Israel, na sinasabi, Ang mga kaarawan ay tumatagal, at ang bawa't pangitain ay nabubulaanan?

23. Saysayin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Aking papaglilikatin ang kawikaang ito, at hindi na sasambitin pang parang kawikaan sa Israel; kundi sabihin mo nga sa kanila, Ang mga kaarawan ay malapit na, at ang pagtupad ng lahat na pangitain.

24. Sapagka't hindi na magkakaroon pa ng walang kabuluhang pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sangbahayan ni Israel.

25. Sapagka't ako ang Panginoon: ako'y magsasalita, at ang salita na aking sasalitain ay matutupad: hindi na magluluwat pa: sapagka't sa inyong mga kaarawan, Oh mapanghimagsik na sangbahayan, aking sasalitain ang salita, at aking tutuparin, sabi ng Panginoong Dios.

26. Muling ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

27. Anak ng tao, narito, silang nasa sangbahayan ni Israel ay nagsasabi, Ang pangitain na kaniyang nakikita ay sa malaong mga araw na darating, at nanghuhula ng mga panahong malayo.

28. Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Wala nang magluluwat pa sa aking mga salita, kundi ang salita na aking sasalitain ay matutupad, sabi ng Panginoon.

Ezekiel 12