7. At ang kanilang mga paa ay mga matuwid na paa; at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila'y nagsisikinang na parang kulay ng tansong binuli.
8. At sila'y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran; at silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito:
9. Ang kanilang mga pakpak ay nagkakadaitan; sila'y hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon; yumaon bawa't isa sa kanila na patuloy.
10. Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, sila'y may mukhang tao; at silang apat ay may mukha ng leon sa kanang tagiliran; at silang apat ay may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran; silang apat ay may mukha rin ng aguila.
11. At ang kanilang mga mukha at ang kanilang mga pakpak ay magkahiwalay sa itaas: dalawang pakpak ng bawa't isa ay nagkakadaitan at ang dalawa ay nagsisitakip ng kanilang mga katawan.
12. At yumaon bawa't isa sa kanila na patuloy; kung saan naparoroon ang espiritu, doon sila nangaparoroon; sila'y hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon.
13. Tungkol sa anyo ng mga nilalang na may buhay, ang kanilang katulad ay parang mga bagang nagniningas; parang mga sulo: ang apoy ay tumataas at bumababa sa gitna ng mga nilalang na may buhay at ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat.
14. At ang mga nilalang na may buhay ay nagsitakbo at nagsibalik na parang kislap ng kidlat.
15. Samantala ngang minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito, ang isang gulong sa lupa sa siping ng mga nilalang na may buhay, sa bawa't isa ng apat na mukha ng mga yaon.
16. Ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari ay parang kulay ng berilo: at ang apat na yaon ay may isang anyo: at ang kanilang anyo at ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong.
17. Pagka yumaon, nagsisiyaon sa kanilang apat na dako: hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon.
18. Tungkol sa kanilang mga Rueda ay matataas at kakilakilabot; at itong apat ay may kanilang mga Ilanta na puno ng mga mata sa palibot.
19. At pagka ang mga nilalang na may buhay ay nagsisiyaon, ang mga gulong ay nagsisiyaon sa siping nila; at pagka ang mga nilalang na may buhay ay nangatataas mula sa lupa, ang mga gulong ay nangatataas.
20. Kung saan naparoroon ang espiritu ay nangaparoroon sila; doon pinaparoonan ng espiritu; at ang mga gulong ay nangatataas sa siping nila; sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
21. Pagka ang mga yaon ay nagsisiyaon, ang mga ito'y nagsisiyaon; at pagka ang mga yaon ay nagsisitayo, ang mga ito ay nagsisitayo; at pagka ang mga yaon ay nangatataas mula sa lupa, ang mga gulong ay nangatataas sa siping nila; sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
22. At sa ibabaw ng ulo ng nilalang na may buhay, may kawangis ng langit, na parang kulay ng kakilakilabot na bubog, na nakaunat sa itaas ng kanilang mga ulo.