1. Nangyari nga nang ikatatlong pung taon, sa ikaapat na buwan, nang ikalimang araw ng buwan, samantalang ako'y kasama ng mga bihag sa pangpang ng ilog Chebar, na ang langit ay nabuksan, at ako'y nakakita ng mga pangitain mula sa Dios.
2. Nang ikalimang araw ng buwan, na siyang ikalimang taon ng pagkabihag ng haring Joacim,
3. Ang salita ng Panginoon ay dumating na maliwanag kay Ezekiel na saserdote, na anak ni Buzi, sa lupain ng mga Caldeo sa pangpang ng ilog Chebar: at ang kamay ng Panginoon, ay sumasa kaniya.
4. At ako'y tumingin, at, narito, isang unos na hangin ay lumabas na mula sa hilagaan, na isang malaking ulap, na may isang apoy na naglilikom sa sarili, at isang ningning sa palibot, at mula sa gitna niyao'y may parang metal na nagbabaga, mula sa gitna ng apoy.
5. At mula sa gitna niyao'y nanggaling ang kahawig ng apat na nilalang na may buhay. At ito ang kanilang anyo, Sila'y nakawangis ng isang tao;
6. At bawa't isa ay may apat na mukha, at bawa't isa sa kanila ay may apat na pakpak.
7. At ang kanilang mga paa ay mga matuwid na paa; at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila'y nagsisikinang na parang kulay ng tansong binuli.
8. At sila'y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran; at silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito:
9. Ang kanilang mga pakpak ay nagkakadaitan; sila'y hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon; yumaon bawa't isa sa kanila na patuloy.
10. Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, sila'y may mukhang tao; at silang apat ay may mukha ng leon sa kanang tagiliran; at silang apat ay may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran; silang apat ay may mukha rin ng aguila.
11. At ang kanilang mga mukha at ang kanilang mga pakpak ay magkahiwalay sa itaas: dalawang pakpak ng bawa't isa ay nagkakadaitan at ang dalawa ay nagsisitakip ng kanilang mga katawan.
12. At yumaon bawa't isa sa kanila na patuloy; kung saan naparoroon ang espiritu, doon sila nangaparoroon; sila'y hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon.
13. Tungkol sa anyo ng mga nilalang na may buhay, ang kanilang katulad ay parang mga bagang nagniningas; parang mga sulo: ang apoy ay tumataas at bumababa sa gitna ng mga nilalang na may buhay at ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat.
14. At ang mga nilalang na may buhay ay nagsitakbo at nagsibalik na parang kislap ng kidlat.
15. Samantala ngang minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito, ang isang gulong sa lupa sa siping ng mga nilalang na may buhay, sa bawa't isa ng apat na mukha ng mga yaon.
16. Ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari ay parang kulay ng berilo: at ang apat na yaon ay may isang anyo: at ang kanilang anyo at ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong.