Exodo 8:7-21 Ang Biblia (TLAB)

7. At ang mga mahiko ay gumawa ng gayon din sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto, at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Egipto.

8. Nang magkagayo'y tinawag ni Faraon si Moises at si Aaron, at sinabi, Manalangin kayo sa Panginoon, na alisin ang mga palaka sa akin, at sa aking bayan; at aking tutulutang yumaon, ang bayan upang sila'y makapaghain sa Panginoon.

9. At sinabi ni Moises kay Faraon, Magkaroon ka ng kaluwalhatiang ito sa akin: anong oras isasamo kita, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan, upang ang mga palaka ay malipol sa iyo at sa iyong mga bahay, at mangatira na lamang sa ilog?

10. At kaniyang sinabi, Sa kinabukasan. At sinabi ni Moises, Mangyayari ayon sa iyong salita: upang iyong maalaman na walang gaya ng Panginoon naming Dios.

11. At ang mga palaka ay magsisialis sa iyo, at sa iyong bahay, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mangatitira na lamang sa ilog.

12. At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ni Faraon: at si Moises ay dumaing sa Panginoon tungkol sa mga palaka na kaniyang dinala kay Faraon.

13. At ginawa ng Panginoon ayon sa salita ni Moises, at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga parang.

14. At kanilang pinagpisan sa buntonbunton: at ang lupa ay bumaho.

15. Nguni't nang makita ni Faraon na may pahinga ay pinapagmatigas ang kaniyang puso, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.

16. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron: Iunat mo ang iyong tungkod, at paluin mo ang alabok ng lupa, upang maging mga kuto sa lupaing Egipto.

17. At kaniyang ginawang gayon; at iniunat ni Aaron ang kaniyang kamay pati ng kaniyang tungkod, at pinalo ang alabok ng lupa, at nagkakuto sa tao at sa hayop; lahat ng alabok ng lupa ay naging mga kuto sa buong lupain ng Egipto.

18. At ang mga mahiko ay gumawa ng gayon sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto, upang maglabas ng mga kuto, nguni't hindi nila nagawa: at nagkakuto sa tao at sa hayop.

19. Nang magkagayo'y sinabi ng mga mahiko kay Faraon, Ito'y daliri ng Dios: at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.

20. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon; narito, siya'y pasasa tubig, at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon: Payaunin mo ang aking bayan upang sila'y makapaglingkod sa akin.

21. Saka kung hindi mo payayaunin ang aking bayan ay magsusugo ako ng pulupulutong na langaw sa iyo, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan, at sa loob ng iyong mga bahay: at ang mga bahay ng mga Egipcio ay mapupuno ng pulupulutong na langaw, at gayon din ang lupa na kinaroroonan nila.

Exodo 8