6. At iyong ilalagay ang dambanang pagsusunugan ng handog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
7. At iyong ilalagay ang hugasan sa pagitan ng tabernakulo at ng dambana, at iyong sisidlan ng tubig.
8. At iyong ilalagay ang looban sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuang daan ng looban.
9. At kukuha ka ng langis na pangpahid, at papahiran mo ang tabernakulo, at lahat na nandoon, at iyong pakakabanalin, at lahat ng kasangkapan niyaon: at magiging banal.
10. At iyong papahiran ng langis ang dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng kasangkapan, at iyong pakakabanalin ang dambana: at ang dambana ay magiging kabanalbanalan.
11. At iyong papahiran din naman ng langis ang hugasan at ang tungtungan, at iyong pakakabanalin.
12. At iyong dadalhin si Aaron at ang kaniyang mga anak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong paliliguan ng tubig.
13. At iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuutan; at iyong papahiran ng langis siya, at iyong papagbanalin siya, upang siya'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.
14. At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at iyong susuutan sila ng mga kasuutan:
15. At iyong papahiran ng langis sila gaya ng iyong pagkapahid sa kanilang ama, upang sila'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, at ang pagpapahid sa kanila ay maging sa kanila'y pinakatanda ng walang hanggang pagka-saserdote sa buong panahon ng kanilang lahi.
16. Gayon ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, ay gayong ginawa niya.
17. At nangyari sa unang buwan nang ikalawang taon nang unang araw ng buwan, na ang tabernakulo'y itinayo.
18. At itinayo ni Moises ang tabernakulo, at inilagay ang mga tungtungan, at ipinatong ang mga malaking tabla, at isinuot ang mga barakilan, at itinayo ang mga haligi niyaon.
19. At kaniyang inunat ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kaniyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyaon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
20. At kaniyang kinuha at inilagay ang mga tabla ng patotoo sa loob ng kaban, at kaniyang inilagay ang mga pingga sa kaban, at kaniyang inilagay ang luklukan ng awa sa itaas ng ibabaw ng kaban: