Exodo 39:7-16 Ang Biblia (TLAB)

7. At kaniyang inilagay sa ibabaw ng pangbalikat ng epod upang maging mga batong pinakaalaala sa ikagagaling ng mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

8. At kaniyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng epod; na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.

9. Parisukat; kanilang ginawang nakatiklop ang pektoral: isang dangkal ang luwang niyaon, pagka nakatiklop.

10. At kanilang kinalupkupan ng apat na hanay na sarisaring bato: isang hanay ay sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay.

11. At ang ikalawang hanay, ay isang esmeralda, isang zafiro, at isang diamante.

12. At ang ikatlong hanay, ay isang jacinto, isang agata, at isang ametista.

13. At ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang jaspe; na mga natatakpan ng mga pamuting ginto sa kanilang mga pagkakakalupkop.

14. At ang mga bato ay ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel, labingdalawa, ayon sa kanilang mga pangalan; na ayos ukit ng isang panatak; bawa't isa'y ayon sa kaniyang pangalan, na ukol sa labingdalawang lipi.

15. At kanilang iginawa ang pektoral ng mga tanikalang parang tirintas na ayos pinili na taganas na ginto.

16. At sila'y gumawa ng dalawang pangkalupkop na ginto, at ng dalawang singsing na ginto; at inilagay ang dalawang singsing sa dalawang dulo ng pektoral.

Exodo 39