Exodo 39:1-10 Ang Biblia (TLAB)

1. At sa kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, ay gumawa sila ng mga kasuutang mainam ang pagkayari upang gamitin sa pangangasiwa sa dakong banal, at ginawang mga banal na kasuutan kay Aaron; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

2. At kaniyang ginawa ang epod na ginto, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.

3. At kanilang pinukpok ang ginto na pinanipis na pahaba at pinutol na ginawang kawad na ginto, upang itahi sa kayong bughaw, at sa kulay-ube, at sa pula, at sa lino na gawa ng bihasang manggagawa.

4. Kanilang iginawa ng mga pangbalikat, na nagkakasugpong: sa dalawang dulo ay nagkakasugpong.

5. At ang mainam na pagkayaring pamigkis, na nasa ibabaw ng epod upang ibigkis, ay kaputol at gaya ng pagkayari ng epod; na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, linong pinili; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

6. At kanilang ginawa ang mga batong onix na pinamutihan ng kalupkop na ginto, na ayos ukit ng isang panatak, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel.

7. At kaniyang inilagay sa ibabaw ng pangbalikat ng epod upang maging mga batong pinakaalaala sa ikagagaling ng mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

8. At kaniyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng epod; na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.

9. Parisukat; kanilang ginawang nakatiklop ang pektoral: isang dangkal ang luwang niyaon, pagka nakatiklop.

10. At kanilang kinalupkupan ng apat na hanay na sarisaring bato: isang hanay ay sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay.

Exodo 39