1. At si Bezaleel at si Aholiab ay gagawa, at lahat ng matalino na pinagkalooban ng Panginoon ng karunungan at pagkakilala na maalaman kung paanong paggawa ng lahat ng gawa sa paglilingkod sa santuario, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon.
2. At tinawag ni Moises si Bezaleel at si Aholiab, at lahat ng marunong na pinagkalooban ng Panginoon ng karunungan sa puso, lahat ng may pusong napukaw na pumaroon sa gawang gagawin:
3. At kanilang tinanggap kay Moises ang lahat ng handog na dinala ng mga anak ni Israel na magagamit sa gawang paglilingkod sa santuario, upang gawin. At dinalhan pa nila siya ng kusang handog tuwing umaga.
4. At nagsidating ang lahat ng mga taong matatalino, na gumagawa ng lahat na gawa, sa santuario, na bawa't isa'y mula sa kaniyang gawain na ginagawa;
5. At sila'y nagsalita kay Moises, na nagsasabi, Ang baya'y nagdadala ng higit kay sa kinakailangan sa gawang paglilingkod, na iniutos gawin ng Panginoon.
6. At si Moises ay nagbigay utos at itinanyag nila sa buong kampamento na sinasabi, Huwag nang gumawa ang lalake o ang babae man ng anomang gawang handog sa santuario. Na ano pa't sinangsala na ang bayan sa pagdadala.
7. Sapagka't ang kagamitan na mayroon sila ay sapat na sa lahat ng gawa na gagawin, at higit pa.
8. At lahat ng matatalinong lalake sa gumagawa ng gawa, ay gumawa ng tabernakulo na may sangpung tabing, na linong pinili, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula na may mga querubin na niyari ng bihasang manggagawa.
9. Ang haba ng bawa't tabing ay dalawang pu't walong siko, at ang luwang ng bawa't tabing ay apat na siko: lahat ng tabing ay magkakaisang sukat.
10. At pinapagsugpong na isa't isa ang limang tabing: at ang ibang limang tabing ay pinapagsugpong na isa't isa.
11. At siya'y gumawa ng mga presilyang bughaw sa gilid ng tabing, sa gilid ng pagkakasugpong: gayon din ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pagkakasugpong.
12. Limangpung presilya ang ginawa niya sa isang tabing, at limangpung presilya ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pagkakasugpong: ang mga presilya ay nagkakatapat na isa't isa.