Exodo 35:28-35 Ang Biblia (TLAB)

28. At ng mga espesia, at ng langis; na pangilawan, at langis na pangpahid, at pangmabangong kamangyan.

29. Ang mga anak ni Israel ay nagdala ng kusang handog sa Panginoon; bawa't lalake at babae, na ang puso'y nagkusang nagpadala ng magagamit sa lahat na gawain, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin.

30. At sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, Tingnan ninyo, tinawag ng Panginoon sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda;

31. At kaniyang pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, tungkol sa karunungan, sa pagkakilala, at sa kaalaman, at sa lahat ng sarisaring gawain;

32. At upang kumatha ng mga gawang kaayaaya, na gumawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso,

33. At sa pagputol ng mga batong pangkalupkop, at sa pagukit sa kahoy, na gumawa sa lahat ng sarisaring maiinam na gawa.

34. At isinapuso niya ang katalinuhan, na siya'y makapagturo, siya at gayon din si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan.

35. Sila'y kaniyang pinuspos ng karunungan sa puso upang gumawa ng lahat na sarisaring gawa, ng taga-ukit, at tagakatha, at ng mangbuburda sa kayong bughaw, at sa kulay-ube, sa pula, at sa lino, at ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anomang gawain, at ng mga kumakatha ng maiinam na gawa.

Exodo 35