22. At iyong ipangingilin ang kapistahan ng mga sanglinggo, ang sa mga unang bunga ng pagaani ng trigo, at ang kapistahan ng pagaani sa katapusan ng taon.
23. Makaitlo nga sa isang taon na haharap ang lahat ng iyong mga lalake sa Panginoong Dios, na Dios ng Israel.
24. Sapagka't aking palalayasin ang mga bansa sa harap mo, at aking palalaparin ang iyong mga hangganan: at hindi pagnanasaan ng sinoman ang iyong lupain, pagka ikaw ay pumapanhik na humarap sa Panginoong iyong Dios, na makaitlo sa isang taon.
25. Huwag kang maghahandog ng dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o magtitira man ng hain sa kapistahan ng paskua hanggang sa kinaumagahan.
26. Ang pinakaunang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.
27. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ang mga salitang ito: sapagka't ayon sa tunog ng mga salitang ito, ay nakipagtipan ako sa iyo at sa Israel.
28. At siya'y natira doong kasama ng Panginoon, na apat na pung araw at apat na pung gabi; hindi man lamang siya kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig. At isinulat ng Panginoon sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang sangpung utos.