Exodo 34:15-26 Ang Biblia (TLAB)

15. Magingat ka; baka ikaw ay makipagtipan sa mga tumatahan sa lupain, at sila'y sumunod sa kanilang mga dios, at magsipaghain sa kanilang mga dios, at ikaw ay alukin ng isa at kumain ka ng kanilang hain;

16. At iyong papag-asawahin ang iyong mga anak na lalake at kanilang mga anak na babae, at ang kanilang mga anak na babae ay sumunod sa kanilang mga dios at pasunurin ang inyong mga anak na sumunod sa kanilang mga dios.

17. Huwag kang gagawa para sa iyo ng mga dios na binubo.

18. Ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura ay iyong ipangingilin. Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura na gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon sa buwan ng Abib: sapagka't sa buwan ng Abib, ay umalis ka sa Egipto.

19. Yaong lahat na nagbubukas ng bahay-bata ay akin; at gayon din ang lahat ng hayop na lalake, ang panganay ng baka at ng tupa,

20. At ang panganay ng isang asno ay iyong tutubusin ng isang kordero: at kung hindi mo tutubusin ay iyo ngang babaliin ang kaniyang leeg. Lahat ng panganay sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. At walang lalapit sa harapan ko na walang dala.

21. Anim na araw na gagawa ka, nguni't sa ikapitong araw ay magpapahinga ka: sa panahon ng pagbubukid at sa pagaani ay magpapahinga ka.

22. At iyong ipangingilin ang kapistahan ng mga sanglinggo, ang sa mga unang bunga ng pagaani ng trigo, at ang kapistahan ng pagaani sa katapusan ng taon.

23. Makaitlo nga sa isang taon na haharap ang lahat ng iyong mga lalake sa Panginoong Dios, na Dios ng Israel.

24. Sapagka't aking palalayasin ang mga bansa sa harap mo, at aking palalaparin ang iyong mga hangganan: at hindi pagnanasaan ng sinoman ang iyong lupain, pagka ikaw ay pumapanhik na humarap sa Panginoong iyong Dios, na makaitlo sa isang taon.

25. Huwag kang maghahandog ng dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o magtitira man ng hain sa kapistahan ng paskua hanggang sa kinaumagahan.

26. Ang pinakaunang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.

Exodo 34