Exodo 34:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Humugis ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una: at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas, na iyong sinira.

2. At iyong ihanda sa kinaumagahan, at sumampa ka sa kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka roon sa akin sa taluktok ng bundok.

3. At sinomang tao ay huwag sasampang kasama mo, o makikita ang sinomang tao sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga bakahan ay huwag manginain sa harap ng bundok na yaon.

4. At siya'y humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; at bumangon si Moises na maaga sa kinaumagahan, at sumampa sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, at kinuha sa kaniyang kamay ang dalawang tapyas na bato.

5. At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at itinanyag ang pangalan ng Panginoon.

6. At ang Panginoo'y nagdaan sa harap niya, na itinanyag, Ang Panginoon, ang Panginoong Dios na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan;

7. Na gumagamit ng kaawaan sa libolibo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalangsang, at ng kasalanan: at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin; na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak, at sa mga anak ng mga anak, hanggang sa ikatlo at ika apat na salin.

8. At nagmadali si Moises, at itinungo ang kaniyang ulo sa lupa, at sumamba.

9. At kaniyang sinabi, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, Oh Panginoon, ay ipahintulot nawa ng Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na pasa gitna namin; sapagka't isang bayang may matigas na ulo; at ipatawad mo ang aming kasamaan, at ang aming kasalanan, at ariin mo kaming iyong mana.

10. At kaniyang sinabi, Narito, ako'y nakikipagtipan sa harap ng iyong buong bayan at gagawa ako ng mga kababalaghan, na kailan ma'y hindi ginawa sa buong lupa, o sa alin mang bansa: at ang buong bayan sa gitna ng iyong kinaroroonan ay makakakita ng gawa ng Panginoon, sapagka't kakilakilabot na bagay ang aking gagawin sa pamamagitan mo.

11. Tuparin mo ang mga iniutos ko sa iyo sa araw na ito: narito, aking pinalalayas sa harap mo ang Amorrheo, at ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Pherezeo, at ang Jebuseo.

12. Magingat ka, na huwag kang makipagtipan sa mga tumatahan sa lupain na iyong pinaroroonan, baka maging isang silo sa gitna mo:

Exodo 34