Exodo 32:8-24 Ang Biblia (TLAB)

8. Sila'y humiwalay na madali sa daan na aking iniutos sa kanila: sila'y gumawa ng isang guyang binubo, at kanilang sinamba, at kanilang hinainan, at kanilang sinabi, Ang mga ito'y iyong maging mga dios, Oh Israel, na nagsampa sa iyo mula sa lupain ng Egipto.

9. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Aking nakita ang bayang ito, at, narito, isang bayang may matigas na ulo;

10. Ngayo'y bayaan mo nga ako upang ang aking pagiinit ay magalab laban sa kanila, at upang aking lipulin sila: at ikaw ay aking gagawing dakilang bansa.

11. At dumalangin si Moises sa Panginoon niyang Dios, at sinabi, Panginoon, bakit ang iyong pagiinit ay pinapagaalab mo laban sa iyong bayan, na iyong inilabas sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?

12. Bakit sasalitain ng mga Egipcio, na sasabihin, Dahil sa kasamaan, inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila sa balat ng lupa? Iurong mo ang iyong mabangis na pagiinit, at pagsisihan mo ang kasamaang ito laban sa iyong bayan.

13. Alalahanin mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod, na silang iyong mga sinumpaan sa iyong sarili, at mga pinagsabihan, Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking sinalita ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin magpakailan man.

14. At pinagsisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kaniyang bayan.

15. At si Moises ay pumihit, at bumaba sa bundok, na dala ang dalawang tapyas ng patotoo sa kaniyang kamay; mga tapyas na may sulat sa dalawang mukha niyaon; sa isang mukha at sa kabilang mukha ay may sulat.

16. At ang mga tapyas ay gawa ng Dios, at ang sulat ay sulat ng Dios, na nakaukit sa mga tapyas.

17. At ng marinig ni Josue ang ingay ng bayan na humihiyaw, ay sinabi kay Moises, May ingay ng pagbabaka sa kampamento.

18. At kaniyang sinabi, Hindi ingay ng pagtatagumpay, o ingay man ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig.

19. At nangyari paglapit niya sa kampamento, na kaniyang nakita ang guya at ang sayawan; at ang galit ni Moises ay naginit at kaniyang inihagis ang mga tapyas na nasa kaniyang mga kamay at nangasira sa paanan ng bundok.

20. At kaniyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, at sinunog ng apoy, at giniling hanggang sa naging alabok, at isinaboy sa ibabaw ng tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.

21. At sinabi ni Moises kay Aaron, Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking sala?

22. At sinabi ni Aaron, Huwag maginit ang galit ng aking panginoon: iyong kilala ang bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.

23. Sapagka't kanilang sinabi sa akin, Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya.

24. At aking sinabi sa kanila, Sinomang may ginto, ay magalis; na anopa't kanilang ibinigay sa akin: at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito.

Exodo 32