Exodo 29:20-27 Ang Biblia (TLAB)

20. Saka mo papatayin ang tupa, at kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa pingol ng kanang tainga ng kaniyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang dugong labis sa ibabaw ng dambana sa palibot.

21. At kukuha ka ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pangpahid, at iwiwisik mo kay Aaron, at sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak na kasama niya: at ikapapaging banal niya at ng kaniyang mga suot, at ng kaniyang mga anak, at ng mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.

22. Kukunin mo rin naman sa lalaking tupa ang taba, at ang matabang buntot, at ang tabang nakababalot sa mga bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at ang kanang hita (sapagka't isang lalaking tupa na itinalaga),

23. At isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na nilangisan, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang lebadura na nasa harap ng Panginoon:

24. At iyong ilalagay ang kabuoan sa mga kamay ni Aaron, at sa mga kamay ng kaniyang mga anak; at iyong mga luluglugin na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon.

25. At iyong kukunin sa kanilang mga kamay, at iyong susunugin sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin, na pinaka masarap na amoy sa harap ng Panginoon: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

26. At kukunin mo ang dibdib ng tupa na itinalaga ni Aaron, at luglugin mo na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon: at magiging iyong bahagi.

27. At iyong ihihiwalay ang dibdib ng handog na niluglog, at ang hita ng handog na itinaas, ang niluglog at ang itinaas, ng lalaking tupa na itinalaga na kay Aaron at sa kaniyang mga anak;

Exodo 29