Exodo 29:1-14 Ang Biblia (TLAB)

1. At ito ang bagay na iyong gagawin sa kanila na ibukod sila, upang sila'y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote: kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupang walang kapintasan.

2. At tinapay na walang lebadura, at mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis: na gagawin mo sa mainam na harina ng trigo.

3. At iyong isisilid sa isang bakol, at dadalhin mo na nasa bakol, sangpu ng toro at ng dalawang tupang lalake.

4. At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.

5. At iyong kukunin ang mga kasuutan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika niya, at ang balabal ng epod, at ang epod, at ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod:

6. At iyong ipuputong ang mitra sa kaniyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa mitra.

7. Saka mo kukunin ang langis na pangpahid, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kaniyang ulo, at papahiran mo ng langis siya.

8. At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at susuutan mo ng mga tunika sila.

9. At iyong bibigkisan sila ng mga pamigkis, si Aaron at ang kaniyang mga anak, at itatali mo ang mga tiara sa kanikaniyang ulo: at tatamuhin nila ang pagkasaserdote na pinakapalatuntunang palagi: at iyong papagbabanalin si Aaron at ang kaniyang mga anak.

10. At iyong dadalhin ang toro sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng toro.

11. At iyong papatayin ang toro sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

12. At kukuha ka ng dugo ng toro, at ilalagay mo ng iyong daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana.

13. At kukunin mo ang buong taba na nakababalot sa bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana.

14. Datapuwa't ang laman ng toro, at ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampamento: handog nga dahil sa kasalanan.

Exodo 29