29. At dadalhin ni Aaron sa kaniyang sinapupunan ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan pagka siya'y pumapasok sa dakong banal, na pinakaalaala sa harap ng Panginoon, na palagi.
30. At ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tummim at mga ilalagay sa sinapupunan ni Aaron, pagka siya'y pumapasok sa harap ng Panginoon at dadalhing palagi ni Aaron sa harap ng Panginoon ang kahatulan sa mga anak ni Israel na nasa kaniyang sinapupunan.
31. At gagawin mo ang balabal ng epod na taganas na bughaw.
32. At magkakaroon ng isang pinakaleeg sa gitna niyaon: magkakaroon ito ng isang uriang tinahi sa palibot ng pinakaleeg, gaya ng butas ng isang koselete, upang huwag mapunit.
33. At ang saya niyaon ay igagawa mo ng mga granadang bughaw, at kulay-ube, at pula, sa palibot ng saya niyaon; at ng mga kampanilyang ginto sa gitna ng mga yaon sa palibot:
34. Isang kampanilyang ginto at isang granada, isang kampanilyang ginto at isang granada sa saya sa ibaba ng balabal sa palibot.
35. At isusuot ni Aaron upang mangasiwa: at ang tunog niyao'y maririnig pagka siya'y pumapasok sa dakong banal sa harap ng Panginoon, at pagka siya'y lumalabas, upang siya'y huwag mamatay.
36. At gagawa ka ng isang laminang taganas na ginto, at doo'y isusulat mong ukit na ayon sa ukit ng isang panatak, Banal sa Panginoon.