18. At gagawa ka ng dalawang querubing ginto; na yari sa pamukpok iyong gagawin, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa.
19. At gawin mo ang isang querubin sa isang dulo, at ang isang querubin sa kabilang dulo: kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga querubin sa dalawang dulo niyaon.
20. At ibubuka ng mga querubin ang kanilang pakpak na paitaas, na nilililiman ang luklukan ng awa, ng kanilang mga pakpak, na ang kanilang mukha ay nagkakaharap, sa dakong luklukan ng awa ihaharap ang mga mukha ng mga querubin.
21. At iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban, ay iyong ilalagay ang mga kinalalagdaan ng patotoo, na aking ibibigay sa iyo.
22. At diya'y makikipagkita ako sa iyo, at makikipanayam sa iyo mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang querubin na nangasa ibabaw ng kaban ng patotoo, tungkol sa lahat ng mga bagay na ibibigay ko sa iyong utos sa mga anak ni Israel.
23. At gagawa ka ng isang dulang na kahoy na akasia: na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon.
24. At iyong babalutin ng taganas na ginto, at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot.
25. At igagawa mo ng isang gilid na may isang palad ng kamay ang luwang sa palibot, at igagawa mo ng isang kornisang ginto ang palibot ng gilid niyaon.
26. At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon.
27. Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pingga, upang madala ang dulang.
28. At gagawin mo ang mga pingga na kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto, upang ang dulang ay madala ng mga yaon.
29. At gagawa ka ng mga pinggan niyaon, at ng mga kutsara niyaon, at ng mga kopa niyaon, at ng mga tasa niyaon na pagbubuhusan; na iyong gagawing taganas na ginto.