11. At kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito sa kaniya ay aalis nga siya na walang bayad, na walang tubos na salapi.
12. Ang sumakit sa isang tao, na ano pa't mamatay ay papataying walang pagsala.
13. At kung hindi sinasadya ng isang tao, kundi Dios ang naghulog sa kaniyang kamay; ay lalaanan kita ng isang dako na kaniyang tatakasan.
14. At kung magtangka ang sinoman sa kaniyang kapuwa, na pumatay na may daya, ay alisin mo siya sa aking dambana, upang patayin.
15. At ang sumakit sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.
16. At ang magnakaw ng isang tao, at ipagbili, o masumpungan sa kaniyang kamay, ay papataying walang pagsala.
17. At ang lumait sa kaniyang ama, o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.
18. At kung may magbabag, at saktan ng isa ang isa, ng bato, o ng kaniyang suntok, at hindi mamatay, kundi mahiga lamang sa banig:
19. Kung makabangon uli, at makalakad sa tulong ng kaniyang tungkod, ay ligtas nga yaong sumakit sa kaniya; pagbabayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kaniyang pagagalinging maigi.
20. At kung saktan ng sinoman ang kaniyang aliping lalake o babae, ng tungkod at mamatay sa kaniyang kamay; ay parurusahan siyang walang pagsala.
21. Gayon ma'y kung tumagal ng isang araw o dalawa, ay hindi siya parurusahan: sapagka't siya'y kaniyang salapi.
22. At kung may magbabag, at makasakit ng isang babaing buntis, na ano pa't makunan, at gayon ma'y walang karamdamang sumunod: ay tunay na papagbabayarin siya, ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom.
23. Datapuwa't kung may anomang karamdamang sumunod, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay,
24. Mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa,
25. Paso kung paso, sugat kung sugat, bugbog kung bugbog.
26. At kung saktan ng sinoman ang mata ng kaniyang aliping lalake, o ang mata ng kaniyang aliping babae at mabulag, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang mata.
27. At kung kaniyang bungalan ang kaniyang aliping lalake, o babae, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang ngipin.
28. At kung ang isang baka ay manuwag ng isang lalake o ng isang babae, na ano pa't mamatay, ay babatuhing walang pagsala ang baka at ang kaniyang lama'y hindi kakanin; datapuwa't ang may-ari ng baka ay maliligtas.
29. Datapuwa't kung ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at naisumbong na sa may-ari at hindi niya kinulong, na ano pa't makamatay ng isang lalake, o isang babae: ay babatuhin ang baka at ang may-ari naman ay papatayin.
30. Kung siya'y atangan ng katubusan ay magbibigay nga siya ng katubusan sa kaniyang buhay anomang iatang sa kaniya.