13. At nangyari kinabukasan, na lumuklok si Moises upang hatulan ang bayan: at ang bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa hapon.
14. At nang makita ng biyanan ni Moises ang lahat ng kaniyang ginagawa sa bayan, ay nagsabi, Anong bagay itong ginagawa mo sa bayan? bakit nauupo kang magisa, at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula sa umaga hanggang sa hapon?
15. At sinabi ni Moises sa kaniyang biyanan, Sapagka't ang bayan ay lumalapit sa akin, upang sumangguni sa Dios.
16. Pagka sila'y may usap ay lumapit sa akin; at aking hinahatulang isa't isa, at aking ipinakikilala sa kanila ang mga palatuntunan ng Dios, at ang kaniyang mga kautusan.
17. At sinabi ng biyanan ni Moises sa kaniya, Ang bagay na iyong ginagawa ay hindi mabuti.
18. Tunay na ikaw ay manghihina, ikaw at ang bayang ito, na nasa iyo: sapagka't ang bagay ay totoong mabigat sa iyo; hindi mo makakayang magisa.
19. Dinggin mo ngayon ang aking tinig; papayuhan kita, at sumaiyo nawa ang Dios: ikaw ang maging tagapagakay sa bayan sa harap ng Dios, at dalhin mo ang mga usap sa Dios:
20. At ituturo mo sa kanila ang mga palatuntunan, at ang mga kautusan, at ipakikilala mo sa kanila ang daang nararapat lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.
21. Bukod dito'y hahanap ka sa buong bayan ng mga taong bihasa, gaya ng matatakutin sa Dios, na mga taong mapagpatotoo, na mga napopoot sa kasakiman; at siyang mga ilagay mo sa kanila, na magpuno sa mga lilibuhin, magpuno sa mga dadaanin, magpuno sa mga lilimangpuin, at magpuno sa mga sasangpuin:
22. At pahatulan mo sa kanila ang bayan sa buong panahon: at mangyayari, na bawa't malaking usap ay dadalhin nila sa iyo, datapuwa't bawa't munting usap, ay silasila ang maghahatulan: sa ganyan ay magiging magaan sa iyo, at magpapasan silang katulong mo.
23. Kung gagawin mo ang bagay na ito, at iuutos sa iyong ganyan ng Dios ay iyo ngang mababata, at ang buong bayan namang ito ay uuwing payapa.
24. Sa gayon, ay dininig ni Moises ang kaniyang biyanan, at ginawang lahat yaong sinabi.
25. At pumili si Moises ng mga lalaking bihasa sa buong Israel, at ginawa niyang pangulo sa bayan, na mga puno ng lilibuhin, mga puno ng dadaanin, mga puno ng lilimangpuin, at mga puno ng sasangpuin.
26. At kanilang hinatulan ang bayan sa buong panahon: ang mabibigat na usap ay kanilang dinadala kay Moises, datapuwa't bawa't munting usap ay silasila ang naghahatulan.
27. At tinulutan ni Moises ang kaniyang biyanan na magpaalam at siya'y umuwi sa sariling lupain.