1. Si Jethro nga, saserdote sa Madian, biyanan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Dios kay Moises, at sa Israel na kaniyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Egipto.
2. At ipinagsama ni Jethro, na biyanan ni Moises, si Sephora na asawa ni Moises, pagkatapos na kaniyang maipadala sa kanilang ama,
3. At ang dalawa niyang anak na lalake: na ang pangalan ng isa'y Gersom; sapagka't sinabi ni Moises, Ako'y nakipamayan sa ibang bayan.
4. At ang pangalan ng isa'y Elieser; sapagka't kaniyang sinabi, Ang Dios ng aking ama'y naging aking saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ni Faraon;
5. At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay dumating, na kasama ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa, kay Moises sa ilang na kaniyang hinantungan sa tabi ng bundok ng Dios:
6. At kaniyang ipinasabi kay Moises, Akong iyong biyanang si Jethro ay naparito sa iyo, at ang iyong asawa, at ang kaniyang dalawang anak na kasama niya.
7. At si Moises ay lumabas na sinalubong ang kaniyang biyanan, at kaniyang niyukuran at hinalikan. At sila'y nagtanungang isa't isa ng kanilang kalagayan; at sila'y pumasok sa tolda.
8. At isinaysay ni Moises sa kaniyang biyanan ang lahat ng ginawa ng Panginoon kay Faraon at sa mga Egipcio dahil sa Israel, ang buong hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas ng Panginoon sila.
9. At ikinagalak ni Jethro ang buong kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Egipcio.
10. At sinabi ni Jethro, Purihin ang Panginoon, na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Egipcio, at sa kamay ni Faraon; na siyang nagligtas sa bayan sa kamay ng mga Egipcio.
11. Ngayo'y aking natatalastas na ang Panginoon ay lalong dakila kay sa lahat ng mga dios: oo, sa bagay na ipinagpalalo ng mga Egipcio laban sa mga Hebreo.
12. At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay kumuha ng handog na susunugin at mga hain para sa Dios: at si Aaron ay naparoon, at ang lahat ng mga matanda sa Israel, upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyanan ni Moises sa harap ng Dios.
13. At nangyari kinabukasan, na lumuklok si Moises upang hatulan ang bayan: at ang bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa hapon.
14. At nang makita ng biyanan ni Moises ang lahat ng kaniyang ginagawa sa bayan, ay nagsabi, Anong bagay itong ginagawa mo sa bayan? bakit nauupo kang magisa, at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula sa umaga hanggang sa hapon?