21. At sila'y namumulot tuwing umaga, bawa't tao ayon sa kaniyang kain: at pagka ang araw ay umiinit na, ay natutunaw.
22. At nangyari, na nang ikaanim na araw, ay pumulot sila ng pagkain na ibayo ang dami, dalawang omer sa bawa't isa: at lahat ng puno sa kapisanan ay naparoon at nagsaysay kay Moises.
23. At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan.
24. At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos ni Moises: at hindi bumaho, ni nagkaroon ng anomang uod.
25. At sinabi ni Moises, Kanin ninyo yaon ngayon; sapagka't ngayo'y sabbath na ipinangingilin sa Panginoon: ngayo'y hindi kayo makakasumpong sa parang.
26. Anim na araw na inyong pupulutin; datapuwa't sa ikapitong araw ay sabbath, hindi magkakaroon.
27. At nangyari sa ikapitong araw, na lumabas ang iba sa bayan upang mamulot, at walang nasumpungan.
28. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan tatanggihan ninyo ganapin ang aking mga utos at ang aking mga kautusan?
29. Tingnan ninyo, na sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya't kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa't tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.
30. Kaya ang bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.
31. At yao'y pinanganlan ng sangbahayan ng Israel na Mana: at kaparis ng buto ng kulantro, maputi; at ang lasa niyaon ay kasinglasa ng manipis na tinapay na may pulot.
32. At sinabi ni Moises, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Punuin ninyo ang isang omer ng mana, na inyong ingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi; upang kanilang makita ang pagkain, na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Egipto.