Exodo 12:18-29 Ang Biblia (TLAB)

18. Sa unang buwan ng ikalabing apat na araw ng buwan sa paglubog ng araw ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura, hanggang sa ikadalawang pu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw.

19. Pitong araw, na walang masusumpungang lebadura sa inyong mga bahay: sapagka't sinomang kumain niyaong may lebadura, ay ihihiwalay sa kapisanan ng Israel, ang taong yaon, maging taga ibang lupa, o maging ipinanganak sa lupain.

20. Huwag kayong kakain ng anomang bagay na may lebadura; sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.

21. Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matanda sa Israel, at sinabi sa kanila, Kayo'y lumabas at kumuha kayo ng mga kordero ayon sa inyo-inyong sangbahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskua.

22. At kayo'y kukuha ng isang bigkis na hisopo, at inyong babasain sa dugo, na nasa palanggana, at inyong papahiran ng dugo na nasa palanggana, ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto: at sinoman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan.

23. Sapagka't ang Panginoon ay daraan upang sugatan ang mga Egipcio; at pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, ay lalampasan ng Panginoon ang pintong yaon, at hindi niya papayagan ang manunugat ay pumasok sa inyong mga bahay na sugatan kayo.

24. At inyong ipangingilin ang bagay na ito, na pinakatuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man.

25. At mangyayaring pagdating ninyo sa lupain na ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.

26. At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito?

27. Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.

28. At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawang gayon; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayong ginawa nila.

29. At nangyari sa hating gabi, na nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop.

Exodo 12