15. At ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing apat na araw din ng buwan ng Adar, at nagsipatay ng tatlong daang lalake sa Susan: nguni't sa pagsamsam ay hindi sila nangagbuhat na kanilang kamay.
16. At ang ibang mga Judio na nangasa mga lalawigan ng hari ay nagpipisan, at ipinagsanggalang ang kanilang buhay, at nangagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at nagsipatay sa mga nangapopoot sa kanila ng pitong pu't limang libo; nguni't sa pagsamsam ay hindi nila binuhat ang kanilang kamay.
17. Ito'y nagawa nang ikalabing tatlong araw ng buwan ng Adar: at nang ikalabing apat na araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng pistahan at kasayahan.
18. Nguni't ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing tatlong araw niyaon, at nang ikalabing apat niyaon; at nang ikalabing limang araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan.