Esther 9:10-25 Ang Biblia (TLAB)

10. Na sangpung anak ni Aman, na anak ni Amedatha, na kaaway ng mga Judio, ay pinatay nila; nguni't sa pagsamsam, hindi nila binuhat ang kanilang kamay.

11. Nang araw na yaon ay ang bilang ng nangapatay sa Susan na bahay-hari ay dinala sa harap ng hari.

12. At sinabi ng hari kay Esther na reina; Ang mga Judio ay nagsipatay at nagsilipol ng limang daang lalake sa Susan na bahay-hari, at ng sangpung anak ni Aman; ano nga ang kanilang ginawa kaya sa ibang mga lalawigan ng hari? Ngayon, ano pa ang iyong kahilingan? at ipagkakaloob sa iyo: o ano pa ang iyong kahingian? at gagawin.

13. Nang magkagayo'y sinabi ni Esther, Kung kinalulugdan ng hari ipagkaloob sa mga Judio na nangasa Susan na gawin din bukas ang ayon sa pasiya ng araw na ito, at ang sangpung anak ni Aman ay mabitin sa bibitayan.

14. At iniutos ng hari na gawing gayon: at ang pasiya ay nabigay mula sa Susan; at kanilang ibinitin ang sangpung anak ni Aman.

15. At ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing apat na araw din ng buwan ng Adar, at nagsipatay ng tatlong daang lalake sa Susan: nguni't sa pagsamsam ay hindi sila nangagbuhat na kanilang kamay.

16. At ang ibang mga Judio na nangasa mga lalawigan ng hari ay nagpipisan, at ipinagsanggalang ang kanilang buhay, at nangagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at nagsipatay sa mga nangapopoot sa kanila ng pitong pu't limang libo; nguni't sa pagsamsam ay hindi nila binuhat ang kanilang kamay.

17. Ito'y nagawa nang ikalabing tatlong araw ng buwan ng Adar: at nang ikalabing apat na araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng pistahan at kasayahan.

18. Nguni't ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing tatlong araw niyaon, at nang ikalabing apat niyaon; at nang ikalabing limang araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan.

19. Kaya't ang mga Judio sa mga nayon, na nagsisitahan sa mga bayan na hindi nangakukutaan, ginagawa ang ikalabing apat na araw ng buwan ng Adar na araw ng kasayahan at pistahan, at mabuting araw, at ng padalahan ng mga bahagi ng isa't isa.

20. At sinulat ni Mardocheo ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nangasa lahat na lalawigan ng haring Assuero, sa malapit at gayon din sa malayo,

21. Upang ipagbilin sa kanila na kanilang ipangilin ang ikalabing apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabing lima niyaon, taon-taon.

22. Na mga pinakaaraw na ipinagkaroon ng kapahingahan ng mga Judio sa kanilang mga kaaway, at buwan ng ikinapaging kasayahan ng kapanglawan, at ikinapaging mabuting araw ng pagtangis: upang kanilang gawing mga araw ng pistahan at kasayahan, at ng pagpapadalahan ng mga bahagi ng isa't isa, at ng mga kaloob sa mga dukha.

23. At pinagkasunduan ng mga Judio na gawin ang gaya ng kanilang pinasimulan, at ang isinulat ni Mardocheo sa kanila;

24. Sapagka't si Aman na anak ni Amedatha na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbanta laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagsapalaran nga ang Pur, upang patayin, at upang lipulin sila;

25. Nguni't nang dumating sa harap ng hari ang bagay, ay kaniyang iniutos sa pamamagitan ng mga sulat na ang kaniyang masamang banta, na kaniyang ibinanta laban sa mga Judio, ay mauwi sa kaniyang sariling ulo; at siya at ang kaniyang mga anak ay mabitay sa bibitayan.

Esther 9