5. May isang Judio sa Susan na bahay-hari, na ang pangala'y Mardocheo, na anak ni Jair, na anak ni Simi, na anak ni Cis na Benjamita;
6. Na nadala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nangadalang kasama ni Jechonias na hari sa Juda, na dinala ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia.
7. At pinalaki niya si Hadasa, sa makatuwid baga'y si Esther, na anak na babae ng kaniyang amain: sapagka't siya'y wala kahit ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at may mabuting anyo; at nang mamatay ang kaniyang ama't ina inari siya ni Mardocheo na parang tunay na anak.