1. Nangyari nga, sa mga kaarawan ni Assuero, (ito ang Assuero na naghari, mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan:)
2. Na sa mga kaarawang yaon, nang maupo ang haring Assuero sa luklukan ng kaniyang kaharian, na nasa Susan na bahay-hari,
3. Sa ikatlong taon ng kaniyang paghahari, siya'y gumawa ng isang kapistahan sa kaniyang lahat na mga prinsipe, at mga lingkod niya; ang kapangyarihan ng Persia at Media, ang mga mahal na tao at mga prinsipe, ng mga lalawigan ay nangasa harap nga niya:
4. Nang kaniyang ipakita ang mga kayamanan ng kaniyang maluwalhating kaharian at ang karangalan ng kaniyang marilag na kamahalan na malaong araw, na isang daan at walong pung araw.