1. Ingatan mo ang iyong paa pagka ikaw ay napasasa bahay ng Dios; sapagka't ang paglapit upang makinig ay maigi kay sa magbigay ng hain ng mga mangmang: sapagka't hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.
2. Huwag kang pakabigla ng iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anomang bagay sa harap ng Dios; sapagka't ang Dios ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa: kaya't pakauntiin mo ang iyong mga salita.
3. Sapagka't ang panaginip ay dumarating sa karamihan ng gawain; at ang tinig ng mangmang sa karamihan ng mga salita.
4. Pagka ikaw ay nananata ng panata sa Dios, huwag kang magliban ng pagtupad; sapagka't siya'y walang kaligayahan sa mga mangmang: tuparin mo ang iyong ipinanata.
5. Maigi nga ang ikaw ay huwag manata, kay sa ikaw ay manata at hindi tumupad.
6. Huwag bayaan ang iyong bibig, na papagkasalanin ang iyong laman; at huwag ka mang magsabi sa harap ng anghel, na isang kamalian: bakit nga magagalit ang Dios sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?
7. Sapagka't sa karamihan ng mga panaginip ay may kawalangkabuluhan, at sa maraming mga salita: nguni't matakot ka sa Dios.
8. Kung iyong nakikita ang kapighatian ng dukha, at ang karahasang pagaalis ng kahatulan at kaganapan sa isang lalawigan, huwag mong kamanghaan ang bagay: sapagka't ang lalong mataas kay sa mataas ay nagmamasid; at may lalong mataas kay sa kanila.
9. Bukod dito, ay sa lahat ang pakinabang sa lupa: ang hari man ay pinaglilingkuran ng bukid.