Deuteronomio 7:8-21 Ang Biblia (TLAB)

8. Kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga magulang, ay inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto.

9. Talastasin mo nga, na ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios: ang tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya, at tumutupad ng kaniyang mga utos, hanggang sa isang libong salin ng lahi;

10. At pinanghihigantihan sa kanilang mukha, ang mga napopoot sa kaniya, upang lipulin: siya'y hindi magpapaliban doon sa napopoot sa kaniya, kaniyang panghihigantihan sa kaniya ring mukha.

11. Iyo ngang iingatan ang utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na aking iniutos sa iyo sa araw na ito, na iyong ganapin.

12. At mangyayari, na sapagka't iyong dininig ang mga kahatulang ito, at iyong tinutupad at iyong ginaganap, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang tipan, at igagawad ang kagandahang-loob, na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang:

13. At kaniyang iibigin ka, at pagpapalain ka, at padadamihin ka: kaniya rin namang pagpapalain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, upang ibigay sa iyo.

14. Magiging mapalad ka kay sa lahat ng mga bayan: walang magiging baog na babae o lalake sa inyo o sa inyong mga hayop.

15. At ilalayo sa iyo ng Panginoon ang lahat ng sakit: at wala siyang ihuhulog sa inyo sa masamang sakit sa Egipto, na iyong nalalaman, kundi ihuhulog niya sa lahat ng nangapopoot sa iyo.

16. At iyong lilipulin ang lahat ng mga bayan na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios; ang iyong mata ay huwag mahahabag sa kanila; ni huwag kang maglilingkod sa kanilang mga dios; sapagka't magiging isang silo sa iyo.

17. Kung iyong sasabihin sa iyong puso, Ang mga bansang ito ay higit kay sa akin; paanong aking makakamtan sila?

18. Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Dios kay Faraon, at sa buong Egipto.

19. Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, at ang mga tanda, at ang mga kababalaghan, at ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig, na ipinaglabas sa iyo ng Panginoon mong Dios: ay gayon ang gagawin ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bayan na iyong kinatatakutan.

20. Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Dios ang malaking putakti hanggang sa ang nangaiiwan, at nangagtatago ay mamatay sa harap mo.

21. Huwag kang masisindak sa kanila; sapagka't ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, dakilang Dios at kakilakilabot.

Deuteronomio 7