Deuteronomio 7:2-16 Ang Biblia (TLAB)

2. At pagka sila'y ibibigay sa harap mo ng Panginoon mong Dios, at iyong sasaktan sila; ay lubos mo ngang lilipulin sila; huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mong pagpakitaan ng kaawaan sila:

3. Ni magaasawa sa kanila; ang iyong anak na babae ay huwag mong papag-aasawahin sa kaniyang anak na lalake, ni ang kaniyang anak na babae, ay huwag mong papag-aasawahin sa iyong anak na lalake.

4. Sapagka't kaniyang ihihiwalay ang iyong anak na lalake sa pagsunod sa akin, upang sila'y maglingkod sa ibang mga dios: sa gayo'y magaalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at kaniyang lilipulin kang madali.

5. Kundi ganito ang inyong gagawin sa kanila; inyong igigiba ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputolputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala at inyong ibubuwal ang kanilang mga Asera, at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan.

6. Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; pinili ka ng Panginoon mong Dios upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.

7. Hindi kayo inibig ng Panginoon, ni pinili kayo ng dahil sa kayo'y marami sa bilang kay sa alin mang bayan; sapagka't kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan:

8. Kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga magulang, ay inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto.

9. Talastasin mo nga, na ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios: ang tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya, at tumutupad ng kaniyang mga utos, hanggang sa isang libong salin ng lahi;

10. At pinanghihigantihan sa kanilang mukha, ang mga napopoot sa kaniya, upang lipulin: siya'y hindi magpapaliban doon sa napopoot sa kaniya, kaniyang panghihigantihan sa kaniya ring mukha.

11. Iyo ngang iingatan ang utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na aking iniutos sa iyo sa araw na ito, na iyong ganapin.

12. At mangyayari, na sapagka't iyong dininig ang mga kahatulang ito, at iyong tinutupad at iyong ginaganap, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang tipan, at igagawad ang kagandahang-loob, na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang:

13. At kaniyang iibigin ka, at pagpapalain ka, at padadamihin ka: kaniya rin namang pagpapalain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, upang ibigay sa iyo.

14. Magiging mapalad ka kay sa lahat ng mga bayan: walang magiging baog na babae o lalake sa inyo o sa inyong mga hayop.

15. At ilalayo sa iyo ng Panginoon ang lahat ng sakit: at wala siyang ihuhulog sa inyo sa masamang sakit sa Egipto, na iyong nalalaman, kundi ihuhulog niya sa lahat ng nangapopoot sa iyo.

16. At iyong lilipulin ang lahat ng mga bayan na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios; ang iyong mata ay huwag mahahabag sa kanila; ni huwag kang maglilingkod sa kanilang mga dios; sapagka't magiging isang silo sa iyo.

Deuteronomio 7