13. At kaniyang iibigin ka, at pagpapalain ka, at padadamihin ka: kaniya rin namang pagpapalain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, upang ibigay sa iyo.
14. Magiging mapalad ka kay sa lahat ng mga bayan: walang magiging baog na babae o lalake sa inyo o sa inyong mga hayop.
15. At ilalayo sa iyo ng Panginoon ang lahat ng sakit: at wala siyang ihuhulog sa inyo sa masamang sakit sa Egipto, na iyong nalalaman, kundi ihuhulog niya sa lahat ng nangapopoot sa iyo.
16. At iyong lilipulin ang lahat ng mga bayan na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios; ang iyong mata ay huwag mahahabag sa kanila; ni huwag kang maglilingkod sa kanilang mga dios; sapagka't magiging isang silo sa iyo.
17. Kung iyong sasabihin sa iyong puso, Ang mga bansang ito ay higit kay sa akin; paanong aking makakamtan sila?
18. Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Dios kay Faraon, at sa buong Egipto.
19. Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, at ang mga tanda, at ang mga kababalaghan, at ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig, na ipinaglabas sa iyo ng Panginoon mong Dios: ay gayon ang gagawin ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bayan na iyong kinatatakutan.
20. Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Dios ang malaking putakti hanggang sa ang nangaiiwan, at nangagtatago ay mamatay sa harap mo.
21. Huwag kang masisindak sa kanila; sapagka't ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, dakilang Dios at kakilakilabot.
22. At itataboy na untiunti ng Panginoon mong Dios ang mga bansang yaon sa harap mo: hindi mo malilipol silang paminsan, baka ang mga hayop sa parang ay kumapal sa iyo.
23. Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo, at pagtataglayin sila ng isang malaking kalituhan hanggang sa sila'y mangalipol.
24. At kaniyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa silong ng langit: walang lalaking makatatayo doon sa harap mo, hanggang sa iyong malipol sila.
25. Ang mga larawang inanyuan na kanilang mga dios ay iyong susunugin sa apoy: huwag mong iimbutin ang pilak o ang ginto na nasa mga yaon, ni huwag mong kukunin para sa iyo, baka sa iyo'y maging silo: sapagka't ito'y isang karumaldumal sa Panginoon mong Dios.
26. At huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, at baka ikaw ay maging itinalaga na gaya niyaon: iyong lubos na kapopootan at iyong lubos na kasusuklaman, sapagka't itinalagang bagay.