Deuteronomio 4:28-47 Ang Biblia (TLAB)

28. At doo'y maglilingkod kayo sa mga dios, na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nangakakakita, ni nangakakarinig, ni nangakakakain, ni nangakakaamoy.

29. Nguni't mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Dios, at iyong masusumpungan, kung iyong hahanapin siya ng buo mong puso at ng buo mong kaluluwa.

30. Pagka ikaw ay nasa kapighatian, at ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik loob ka sa Panginoon mong Dios, at iyong didinggin ang kaniyang tinig.

31. Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay maawaing Dios; hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya ni kalilimutan ang tipan sa iyong mga magulang na kaniyang isinumpa sa kanila.

32. Sapagka't ipagtanong mo nga sa mga araw na nagdaan, na nangauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Dios ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng gaya ng dakilang bagay na ito, o may narinig na gaya nito?

33. Narinig ba kaya kailan man ng mga tao ang tinig ng Dios na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabuhay?

34. O may Dios kaya na nagsikap na yumaon at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa, sa pamamagitan ng mga tukso, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan, at ng pagbabaka, at ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng mga malaking kakilabutan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Dios sa iyo sa Egipto, sa harap ng iyong mga mata?

35. Sa iyo ipinakita ito, upang iyong makilala na ang Panginoon ay siyang Dios; wala nang iba liban sa kaniya.

36. Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kaniyang tinig, upang kaniyang turuan ka; at sa ibabaw ng lupa ay kaniyang ipinakita sa iyo ang kaniyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kaniyang mga salita sa gitna ng apoy.

37. At sapagka't kaniyang inibig ang iyong mga magulang, kaya kaniyang pinili ang kaniyang binhi pagkatapos nila, at inilabas ka niya sa Egipto ng kaniyang pagharap, ng kaniyang dakilang kapangyarihan;

38. Upang palayasin sa harap mo ang mga bansang lalong malalaki at lalong makapangyarihan kay sa iyo, upang ikaw ay kaniyang papasukin, na ibigay sa iyo na pinakamana ang kanilang lupain, gaya sa araw na ito.

39. Talastasin mo nga sa araw na ito at isapuso mo, na ang Panginoon ay siyang Dios sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa.

40. At iyong iingatan ang kaniyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, at upang iyong mapalaon ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing yaon, na ibinigay sa iyo magpakailan man ng Panginoon mong Dios.

41. Nang magkagayo'y inihiwalay ni Moises ang tatlong bayan sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw;

42. Upang ang nakamatay ng tao ay tumakas doon, na nakamatay sa kaniyang kapuwa na hindi sinasadya, at hindi niya kinapopootan nang panahong nakaraan; at sa pagtakas sa isa sa mga bayang ito ay mabuhay siya:

43. Sa makatuwid baga'y sa Beser, sa ilang, sa kapatagang lupa, na ukol sa mga Rubenita; at sa Ramoth sa Galaad, na ukol sa mga Gadita; at sa Golan sa Basan, na ukol sa mga Manasita.

44. At ito ang kautusang sinalaysay ni Moises sa harap ng mga anak ni Israel:

45. Ito ang mga patotoo, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Egipto;

46. Sa dako pa roon ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Beth-peor, sa lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo na tumatahan sa Hesbon, na siyang sinaktan ni Moises at ng mga anak ni Israel, nang sila'y umalis sa Egipto;

47. At kanilang sinakop ang kaniyang lupain na pinakaari, at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako pa roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw;

Deuteronomio 4