8. Nang ibigay ng Kataastaasan sa mga bansa ang kanilang mana, Nang kaniyang ihiwalay ang mga anak ng tao, Kaniyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan Ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.
9. Sapagka't ang bahagi ng Panginoon ay ang kaniyang bayan; Si Jacob ang bahaging mana niya.
10. Kaniyang nasumpungan sa isang ilang sa lupain, At sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; Kaniyang kinanlungan sa palibot, kaniyang nilingap, Kaniyang iningatang parang salamin ng kaniyang mata:
11. Parang aguila na kumikilos ng kaniyang pugad, Na yumuyungyong sa kaniyang mga inakay, Kaniyang ibinubuka ang kaniyang mga pakpak, kaniyang kinukuha, Kaniyang dinadala sa ibabaw ng kaniyang mga pakpak:
12. Ang Panginoon na magisa ang pumatnubay sa kaniya, At walang ibang dios na kasama siya.
13. Ipinaari sa kaniya ang matataas na dako ng lupa, At siya'y kumain ng tubo sa bukid; At kaniyang pinahitit ng pulot na mula sa bato, At ng langis na mula sa batong pinkian;
14. Ng mantika ng baka, at gatas ng tupa, Na may taba ng mga kordero, At ng mga tupang lalake sa Basan, at mga kambing, Na may taba ng mga butil ng trigo; At sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.
15. Nguni't tumaba si Jeshurun, at tumutol: Ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis: Nang magkagayo'y kaniyang pinabayaan ang Dios na lumalang sa kaniya, At niwalang kabuluhan ang Bato na kaniyang kaligtasan.
16. Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga dios, Sa pamamagitan ng mga karumaldumal, minungkahi nila siya sa kagalitan.
17. Kanilang inihain sa mga demonio, na hindi Dios, Sa mga dios na hindi nila nakilala, Sa mga bagong dios, na kalilitaw pa lamang, Na hindi kinatakutan ng inyong mga magulang.
18. Sa Batong nanganak sa iyo, ay nagwalang bahala ka, At iyong kinalimutan ang Dios na lumalang sa iyo.
19. At nakita ng Panginoon, at kinayamutan sila, Dahil sa pamumungkahi ng kaniyang mga anak na lalake at babae.