22. Sapagka't may apoy na nagalab sa aking galit, At nagniningas hanggang sa Sheol, At lalamunin ang lupa sangpu ng tubo nito, At paniningasan ng apoy ang mga tungtungan ng mga bundok.
23. Aking dadaganan sila ng mga kasamaan; Aking gugugulin ang aking busog sa kanila:
24. Sila'y mangapupugnaw sa gutom, at lalamunin ng maningas na init, At ng mapait na pagkalipol; At ang mga ngipin ng mga hayop ay susunugin ko sa kanila, Sangpu ng kamandag ng nangagsisiusad sa alabok.
25. Sa labas ay pipighatiin ng tabak. At sa mga silid ay kakilabutan; Malilipol kapuwa ang binata at dalaga, Ang sanggol sangpu ng lalaking may uban.
26. Aking sinabi, Aking pangangalatin sila sa malayo, Aking papaglilikatin sa mga tao ang alaala sa kanila;
27. Kundi aking kinatatakutan ang mungkahi ng kaaway; Baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali, Baka kanilang sabihin, Ang aming kamay ay tanghal, At hindi ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito.
28. Sapagka't sila'y bansang salat sa payo, At walang kaalaman sa kanila.
29. Oh kung sila'y mga pantas, na kanilang tinalastas ito, Kung nababatid nila ang kanilang wakas!
30. Kung paanong hahabulin ng isa ang isang libo, At ang dalawa'y magpapatakas sa sangpung libo, Malibang ipagbili sila ng kanilang Bato, At ibigay sila ng Panginoon?
31. Sapagka't ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato, Kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom.
32. Sapagka't ang kanilang puno ng ubas ay mga puno ng ubas sa Sodoma, At sa mga parang ng Gomorra: Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo, Ang kanilang mga buwig ay mapait:
33. Ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon, At mabagsik na kamandag ng mga ahas.
34. Di ba ito'y natatago sa akin, Na natatatakan sa aking mga kayamanan?
35. Ang panghihiganti ay akin, at gayon din ang gantingpala, Sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa: Sapagka't ang araw ng kanilang pagdadalita ay nalalapit, At ang mga bagay na darating sa kanila ay mangagmamadali.
36. Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, At magsisisi dahil sa kaniyang mga lingkod; Pagka kaniyang nakitang ang kanilang kapangyarihan ay nawala, At wala ng natitira na natatakpan o naiwan.
37. At kaniyang sasabihin, Saan nandoon ang kanilang mga dios, Ang bato na siya nilang pinanganlungan;
38. Yaong mga kumakain ng taba ng kanilang mga hain, At umiinom ng alak ng kanilang inuming handog? Bumangon sila at tumulong sa inyo, At sila'y maging pagkupkop sa inyo.
39. Tingnan ninyo ngayon, na ako, sa makatuwid baga'y ako nga, At walang dios sa akin: Ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; Ako'y ang sumusugat, at ako'y ang nagpapagaling: At walang makaliligtas sa aking kamay.
40. Sapagka't aking itinataas ang aking kamay sa langit, At aking sinasabi, Buhay ako magpakailan man,
41. Kung aking ihahasa ang aking makintab na tabak, At ang aking kamay ay hahawak ng kahatulan; Aking ibibigay ang aking panghihiganti sa aking mga kaaway, At aking gagantihan yaong nangapopoot sa akin.