Deuteronomio 32:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita, At pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.

2. Ang aking aral ay papatak na parang ulan; Ang aking salita ay bababa na parang hamog; Gaya ng ambon sa malambot na damo, At gaya ng mahinang ambon sa gugulayin:

3. Sapagka't aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon: Dakilain ninyo ang ating Dios.

4. Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka't lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Dios na tapat at walang kasamaan, Matuwid at banal siya.

5. Sila'y nagpakasama, sila'y hindi kaniyang mga anak, itong kanilang kapintasan; Mga tampalasan at likong lahi.

6. Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? Hindi ba siya ang iyong ama na tumangkilik sa iyo? Kaniyang nilalang ka, at itinatag ka.

7. Alalahanin mo ang mga araw ng una, Isipin mo ang mga taon ng lahi't lahi: Itanong mo sa iyong ama at kaniyang ibabalita sa iyo; Sa iyong mga matanda, at kanilang sasaysayin sa iyo.

8. Nang ibigay ng Kataastaasan sa mga bansa ang kanilang mana, Nang kaniyang ihiwalay ang mga anak ng tao, Kaniyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan Ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.

9. Sapagka't ang bahagi ng Panginoon ay ang kaniyang bayan; Si Jacob ang bahaging mana niya.

10. Kaniyang nasumpungan sa isang ilang sa lupain, At sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; Kaniyang kinanlungan sa palibot, kaniyang nilingap, Kaniyang iningatang parang salamin ng kaniyang mata:

11. Parang aguila na kumikilos ng kaniyang pugad, Na yumuyungyong sa kaniyang mga inakay, Kaniyang ibinubuka ang kaniyang mga pakpak, kaniyang kinukuha, Kaniyang dinadala sa ibabaw ng kaniyang mga pakpak:

12. Ang Panginoon na magisa ang pumatnubay sa kaniya, At walang ibang dios na kasama siya.

Deuteronomio 32