1. Nang magkagayo'y pumihit tayo, at ating sinampa ang daang patungo sa Basan: at si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka sa Edrei.
2. At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong katakutan siya, sapagka't aking ibinigay sa iyong kamay siya, at ang kaniyang buong bayan, at ang kaniyang lupain; at iyong gagawin sa kaniya ang gaya ng iyong ginawa kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumahan sa Hesbon.
3. Gayon din ibinigay ng Panginoon nating Dios sa ating kamay si Og, na hari sa Basan, at ang buong bayan niya; at ating sinaktan siya hanggang sa walang natira sa kaniya.
4. At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon; walang bayan na di sinakop natin sa kanila; anim na pung bayan ang buong lupain ng Argob, ang kaharian ni Og, sa Basan.
5. Ang lahat ng ito'y mga bayang nakukutaan ng matataas na kuta, na may mga pintuang-bayan at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga bayan na walang kuta.
6. At ating lubos na nilipol, na gaya ng ating ginawa kay Sehon na hari sa Hesbon, na lubos nating nilipol bawa't bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata.
7. Nguni't ang madlang kawan at ang nasamsam sa mga bayan ay ating dinala.
8. At ating sinakop ang lupain nang panahong yaon sa kamay ng dalawang hari ng mga Amorrheo na nasa dako roon ng Jordan, mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon;
9. (Na siyang Hermon ay tinatawag ng mga taga Sidon na Sirion, at tinatawag ng mga Amorrheo na Senir):
10. Lahat ng mga bayan ng kapatagan, at ang buong Galaad, at ang buong Basan, hanggang Salcha at Edrei, na mga bayan ng kaharian ni Og sa Basan.
11. (Sapagka't si Og lamang na hari sa Basan ang nalalabi sa natira sa mga Rephaim; narito, ang kaniyang higaan ay higaang bakal; wala ba ito sa Rabbath ng mga anak ni Ammon? siyam na siko ang haba niyaon at apat na siko ang luwang niyaon, ayon sa siko ng isang lalake).
12. At ang lupaing ito'y ating sinakop na pinakaari nang panahong yaon; mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Galaad, at ang mga bayan niyaon, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita:
13. At ang labis ng Galaad, at ang buong Basan, na kaharian ni Og, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases; ang buong lupain ng Argob, sa makatuwid baga'y ang buong Basan. (Siya ring tinatawag na lupain ng mga Rephaim.
14. Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob, hanggang sa hangganan ng mga Gessureo at ng mga Machateo; at mga tinawag niya ng Basan ayon sa kaniyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)
15. At aking ibinigay ang Galaad kay Machir.