42. Lahat ng iyong puno ng kahoy at bunga ng iyong lupa ay aariin ng balang.
43. Ang taga ibang lupa na nasa gitna mo ay tataas ng higit at higit sa iyo, at ikaw ay pababa ng pababa ng pababa.
44. Siya'y magpapahiram sa iyo, at ikaw ay hindi makapagpapahiram sa kaniya: siya'y magiging ulo, at ikaw ay magiging buntot.
45. At lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka, at aabutan ka, hanggang sa magiba ka; sapagka't hindi mo dininig ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang tuparin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na kaniyang iniutos sa iyo:
46. At ang mga yao'y magiging isang tanda at isang kababalaghan sa iyo, at sa iyong lahi magpakailan man:
47. Sapagka't hindi ka naglingkod sa Panginoon mong Dios na may kagalakan, at may kasayahan ng puso, dahil sa kasaganaan ng lahat ng mga bagay:
48. Kaya't maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng Panginoon laban sa iyo, na may gutom, at uhaw, at kahubaran, at sa kakulangan ng lahat ng mga bagay: at lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya.
49. Magdadala ang Panginoon ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo, mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng lumilipad ang aguila; isang bansang ang wika'y hindi mo nababatid;
50. Bansang mukhang mabangis, na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni magpapakundangan sa bata:
51. At kaniyang kakanin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa maibuwal ka; na wala ring matitira sa iyong trigo, alak, o langis, ng karagdagan ng iyong bakahan, o ng anak ng iyong kawan, hanggang sa ikaw ay maipalipol.
52. At kaniyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang-daan, hanggang sa ang iyong mataas at nakababakod na kuta ay malagpak, na siyang iyong inaasahan, sa iyong buong lupain; at kaniyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang-bayan sa iyong buong lupain, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
53. At kakain ka ng bunga ng iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalake at babae, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, sa pagkakubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway.
54. Ang lalaking mahabagin sa gitna mo, at totoong maramdamin, ay magiging masama ang kaniyang mata sa kaniyang kapatid, at sa asawa ng kaniyang sinapupunan, at sa labis sa kaniyang mga anak na ititira:
55. Na anopa't hindi niya ibibigay sa kaninoman sa kanila ang laman ng kaniyang mga anak na kaniyang kakanin, sapagka't walang natira sa kaniya, sa pagkubkob at sa kagipitan na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa lahat ng iyong mga pintuang-bayan.
56. Ang mahabagin at maramdaming babae sa gitna mo, na hindi pa natitikmang itungtong ang talampakan ng kaniyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagkamahabagin, ay magiging masama ang kaniyang mata sa asawa ng kaniyang sinapupunan, at sa kaniyang anak na lalake, at babae;
57. At sa kaniyang sanggol na lumalabas sa pagitan ng kaniyang mga paa at sa kaniyang mga anak na kaniyang ipanganganak; sapagka't kaniyang kakanin ng lihim sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga pintuang-bayan.
58. Kung hindi mo isasagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, Ang Panginoon Mong Dios.