Deuteronomio 28:20-32 Ang Biblia (TLAB)

20. Ibubugso ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang kalituhan, at ang saway, sa lahat ng pagpapatungan ng iyong kamay na iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal, at hanggang sa ikaw ay malipol na madali; dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, na sa gayo'y pinabayaan mo ako.

21. Ikakapit sa iyo ng Panginoon ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa, na iyong pinapasok upang ariin.

22. Sasalutin ka ng Panginoon ng sakit na tuyo, at ng lagnat, at ng pamamaga, at ng nagaapoy na init, at ng tabak, at ng salot ng hangin, at ng sakit sa pagani; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol.

23. At ang iyong langit na nasa itaas ng iyong ulo, ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal.

24. Ang ipauulan ng Panginoon sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa sa iyo, hanggang sa ikaw ay magiba.

25. Pasasaktan ka ng Panginoon sa harap ng iyong mga kaaway; ikaw ay lalabas sa isang daan laban sa kanila, at tatakas sa pitong daan sa harap nila: at ikaw ay papagpaparoo't parituhin sa lahat ng mga kaharian sa lupa.

26. At ang iyong bangkay ay magiging pagkain sa lahat ng mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang taong bubugaw sa kanila.

27. Sasalutin ka ng Panginoon ng bukol sa Egipto, at ng mga grano, at ng kati, at ng galis, na hindi mapagagaling.

28. Sasaktan ka ng Panginoon ng pagkaulol, at ng pagkabulag, at ng pagkagulat ng puso;

29. At ikaw ay magaapuhap sa katanghaliang tapat na gaya ng bulag na nagaapuhap sa kadiliman, at hindi ka giginhawa sa iyong mga lakad: at ikaw ay mapipighati at sasamsaman kailan man, at walang taong magliligtas sa iyo.

30. Ikaw ay magaasawa, at ibang lalake ang sisiping sa kaniya: ikaw ay magtatayo ng isang bahay, at hindi mo tatahanan: ikaw ay maguubasan, at hindi mo mapapakinabangan ang bunga niyaon.

31. Ang iyong baka ay papatayin sa harap ng iyong mga mata, at hindi mo makakain yaon; ang iyong asno ay aagawin sa harap ng iyong mukha, at hindi na masasauli sa iyo: ang iyong tupa ay mabibigay sa iyong mga kaaway, at walang magliligtas sa iyo.

32. Ang iyong mga anak na lalake at babae ay magbibigay sa ibang bayan; at ang iyong mga mata ay titingin, at mangangalay ng paghihintay sa kanila sa buong araw: at ang iyong kamay ay walang magagawa.

Deuteronomio 28