Deuteronomio 23:10-22 Ang Biblia (TLAB)

10. Kung magkaroon sa iyo ng sinomang lalake, na hindi malinis dahil sa anomang nangyari sa kaniya ng kinagabihan, ay lalabas nga sa kampamento, hindi siya papasok sa kampamento:

11. Nguni't mangyayari kinahapunan, na siya'y maliligo sa tubig: at pagka ang araw ay nakalubog na, ay papasok siya sa kampamento.

12. Ikaw ay magkakaroon naman, ng isang pook sa labas ng kampamento, na iyong lalabasan:

13. At ikaw ay magkakaroon din ng isang pala sa kasamahan ng iyong mga kasangkapan; at mangyayari, na pagka ikaw ay palilikod sa labas ay huhukay ka, at ikaw ay babalik at tatabunan mo ang ipinalikod mo:

14. Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay lumalakad sa gitna ng iyong kampamento, upang iligtas ka, at ibigay ang iyong mga kaaway sa harap mo; kaya't ang iyong kampamento ay magiging banal: upang huwag siyang makakita ng anomang maruming bagay sa iyo, at baka humiwalay sa iyo.

15. Huwag mong ibibigay sa kaniyang panginoon ang isang aliping nagtanan sa kaniyang panginoon na napasa iyo:

16. Siya'y tatahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kaniyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga pintuang-daan na kaniyang magalingin: huwag mo siyang pipighatiin.

17. Huwag kang magkakaroon ng masamang babae sa mga anak ng Israel, ni magkakaroon ng sodomita sa mga anak ng Israel.

18. Huwag mong dadalhin ang bayad sa isang masamang babae, o ang kaupahan sa isang aso, sa bahay ng Panginoon mong Dios sa anomang panata: sapagka't ang mga ito ay kapuwa karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

19. Huwag kang magpapahiram na may tubo sa iyong kapatid; tubo ng salapi, tubo ng kakanin, tubo ng anomang bagay na ipinahihiram na may tubo:

20. Sa isang taga ibang lupa ay makapagpapahiram ka na may tubo; nguni't sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may tubo: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng pagpapatungan mo ng iyong kamay, sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.

21. Pagka ikaw ay magpapanata ng isang panata sa Panginoon mong Dios, ay huwag kang magluluwat ng pagtupad: sapagka't walang pagsalang uusisain sa iyo ng Panginoon mong Dios; at magiging kasalanan sa iyo.

22. Nguni't kung ikaw ay magbawang manata, ay hindi magiging kasalanan, sa iyo:

Deuteronomio 23