Deuteronomio 15:3-14 Ang Biblia (TLAB)

3. Sa isang taga ibang lupa ay iyong masisingil; nguni't anomang tinatangkilik mo na nasa iyong kapatid ay ipatatawad ng iyong kamay.

4. Nguni't hindi magkakadukha sa iyo (sapagka't pagpapalain ka nga ng Panginoon sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana upang iyong ariin),

5. Kung iyong didinggin lamang na masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isagawa ang buong utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

6. Sapagka't pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios, na gaya ng ipinangako niya sa iyo: at ikaw ay magpapautang sa maraming bansa, nguni't hindi ka mangungutang; at ikaw ay magpupuno sa maraming bansa, nguni't hindi ka nila pagpupunuan.

7. Kung magkaroon sa iyo ng isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan sa iyong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid:

8. Kundi iyo ngang bubukhin ang iyong kamay sa kaniya, at iyo ngang pauutangin siya ng sapat sa kaniyang kailangan sa kaniyang kinakailangan.

9. Pagingatan mong huwag magkaroon ng masamang pagiisip sa iyong puso, na iyong sabihin, Ang ikapitong taon, na taon ng pagpapatawad, ay malapit na; at ang iyong mata'y magmasama laban sa iyong dukhang kapatid at hindi mo siya bigyan; at siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo, at maging kasalanan sa iyo.

10. Siya nga'y bibigyan mo, at ang iyong puso'y huwag magdamdam pagka binibigyan mo siya; sapagka't dahil sa bagay na ito'y pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong gawa, at sa lahat ng hipuin ng iyong kamay.

11. Sapagka't hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailan man: kaya't aking iniutos sa iyo, na aking sinasabi, Bubukhin mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain.

12. Kung ang iyong kapatid, na Hebreong lalake o babae, ay ipagbili sa iyo, at maglingkod sa iyong anim na taon; sa ikapitong taon nga ay iyong papagpapaalaming laya sa iyo.

13. At pagka iyong papagpapaalaming laya sa iyo, ay huwag mo siyang papagpapaalaming walang dala:

14. Iyo siyang papagbabaunin na may kasaganaan ng bunga ng iyong kawan, at ng iyong giikan, at ng iyong pisaan ng ubas, kung paano ang ipinagpala sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay bibigyan mo siya.

Deuteronomio 15