Deuteronomio 12:3-15 Ang Biblia (TLAB)

3. At iyong iwawasak ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputol-putulin ang kanilang mga haliging pinakaalaala, at susunugin ang kanilang mga Asera sa apoy; at inyong ibubuwal ang mga larawang inanyuan na kanilang mga dios; at inyong papawiin ang kanilang pangalan sa dakong yaon.

4. Huwag kayong gagawa ng ganito sa Panginoon ninyong Dios.

5. Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng inyong mga lipi na paglalagyan ng kaniyang pangalan, sa makatuwid baga'y sa kaniyang tahanan ay inyong hahanapin, at doon kayo paroroon:

6. At doon ninyo dadalhin ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, at ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang inyong mga panata, at ang inyong mga kusang handog, at ang mga panganay sa inyong mga bakahan at sa inyong mga kawan:

7. At doon kayo kakain sa harap ng Panginoon ninyong Dios, at kayo'y mangagagalak sa lahat na kalagyan ng inyong kamay, kayo at ang inyong mga sangbahayan kung saan ka pinagpala ng Panginoon mong Dios.

8. Huwag ninyong gagawin ang ayon sa lahat ng mga bagay na ating ginagawa dito sa araw na ito, na ang magalingin ng bawa't isa sa kaniyang paningin;

9. Sapagka't hindi pa kayo nakararating sa kapahingahan at sa mana, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon ninyong Dios.

10. Datapuwa't pagtawid ninyo ng Jordan, at pagtahan sa lupain na ipinamamana sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, at pagkabigay niya sa inyo ng kapahingahan sa lahat ng inyong mga kaaway sa palibot, na ano pa't kayo'y tumahang tiwasay;

11. Ay mangyayari nga, na ang dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan ay doon ninyo dadalhin ang lahat na aking iniuutos sa inyo; ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang lahat ng inyong piling panata na inyong ipinananata sa Panginoon:

12. At kayo'y magagalak sa harap ng Panginoon ninyong Dios, kayo at ang inyong mga anak na lalake at babae, at ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang Levita na nasa loob ng inyong mga pintuang-daan, sapagka't siya'y walang bahagi ni mana na kasama ninyo.

13. Magingat ka na huwag mong ihahandog ang iyong handog na susunugin sa alinmang dakong iyong makikita:

14. Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon sa isa sa iyong mga lipi ay doon mo ihahandog ang iyong mga handog na susunugin, at doon mo gagawin ang lahat na aking iniuutos sa iyo.

15. Gayon ma'y makapapatay ka at makakakain ka ng karne sa loob ng lahat ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa ng iyong kaluluwa, ayon sa pagpapala ng Panginoon mong Dios na kaniyang ibinigay sa iyo: ang marumi at ang malinis ay makakakain niyaon, gaya ng maliit na usa, at gaya ng malaking usa.

Deuteronomio 12