11. Ay mangyayari nga, na ang dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan ay doon ninyo dadalhin ang lahat na aking iniuutos sa inyo; ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang lahat ng inyong piling panata na inyong ipinananata sa Panginoon:
12. At kayo'y magagalak sa harap ng Panginoon ninyong Dios, kayo at ang inyong mga anak na lalake at babae, at ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang Levita na nasa loob ng inyong mga pintuang-daan, sapagka't siya'y walang bahagi ni mana na kasama ninyo.
13. Magingat ka na huwag mong ihahandog ang iyong handog na susunugin sa alinmang dakong iyong makikita:
14. Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon sa isa sa iyong mga lipi ay doon mo ihahandog ang iyong mga handog na susunugin, at doon mo gagawin ang lahat na aking iniuutos sa iyo.
15. Gayon ma'y makapapatay ka at makakakain ka ng karne sa loob ng lahat ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa ng iyong kaluluwa, ayon sa pagpapala ng Panginoon mong Dios na kaniyang ibinigay sa iyo: ang marumi at ang malinis ay makakakain niyaon, gaya ng maliit na usa, at gaya ng malaking usa.
16. Huwag lamang ninyong kakanin ang dugo; iyong ibubuhos sa lupa na parang tubig.
17. Hindi mo makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan ang ikasangpung bahagi ng iyong trigo, o ng iyong alak, o ng iyong langis, o ng mga panganay sa iyong bakahan o sa iyong kawan, ni anoman sa iyong mga panata na iyong ipananata, ni ang iyong mga kusang handog, ni ang handog na itataas ng iyong kamay:
18. Kundi iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios, kakanin mo, at ng iyong anak na lalake at babae, at ng iyong aliping lalake at babae, at ng Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan: at kagagalakan mo sa harap ng Panginoon mong Dios, ang lahat ng kalagyan ng iyong kamay.
19. Ingatan mong huwag mong pabayaan ang Levita samantalang nabubuhay ka sa iyong lupain.
20. Pagka palalakihin ng Panginoon mong Dios ang iyong hangganan, gaya ng kaniyang ipinangako sa iyo, at iyong sasabihin, Ako'y kakain ng karne, sapagka't nasa mong kumain ng karne; ay makakakain ka ng karne, ayon sa buong nasa mo.
21. Kung ang dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na paglalagyan ng kaniyang pangalan ay totoong malayo sa iyo, ay papatay ka nga sa iyong bakahan at sa iyong kawan, na ibinigay sa iyo ng Panginoon, gaya ng iniutos ko sa iyo, at makakakain ka sa loob ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa mo.
22. Kung paano ang pagkain sa maliit at malaking usa, ay gayon kakanin; ang marumi at ang malinis ay kapuwang makakakain niyaon.
23. Lamang ay pagtibayin mong hindi mo kakanin ang dugo: sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman.
24. Huwag mong kakanin yaon; iyong ibubuhos sa ibabaw ng lupa na parang tubig.
25. Huwag mong kakanin yaon; upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, kung iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.