Daniel 9:1-14 Ang Biblia (TLAB)

1. Nang unang taon ni Dario na anak ni Assuero, sa lahi ng mga taga Media, na ginawang hari sa kaharian ng mga taga Caldea;

2. Nang unang taon ng kaniyang paghahari akong si Daniel ay nakaunawa sa pamamagitan ng mga aklat, ng bilang ng mga taon, na sinalita ng Panginoon kay Jeremias na propeta, dahil sa pagkaganap ng pagkasira ng Jerusalem, pitong pung taon.

3. At aking itiningin ang aking mukha sa Panginoong Dios upang humanap sa pamamagitan ng panalangin at ng mga samo, ng pagaayuno, at pananamit ng magaspang, at ng mga abo.

4. At ako'y nanalangin sa Panginoon kong Dios, at ako'y nagpahayag ng kasalanan, at nagsabi, Oh Panginoon, Dios na dakila at kakilakilabot, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa iyo at nangagiingat ng iyong mga utos,

5. Kami ay nangagkasala, at nangagasal ng kasuwalian, at nagsigawang may kasamaan, at nanganghimagsik, sa makatuwid baga'y nagsitalikod sa iyong mga utos at sa iyong mga kahatulan;

6. Na hindi man kami nangakinig sa iyong mga lingkod na mga propeta, na nangagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga magulang, at sa buong bayan ng lupain.

7. Oh Panginoon, katuwira'y ukol sa iyo, nguni't sa amin ay pagkagulo ng mukha gaya sa araw na ito; sa mga tao ng Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa buong Israel, na malapit, at malayo, sa lahat na lupain na iyong pinagtabuyan dahil sa kanilang pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa iyo.

8. Oh Panginoon, sa amin nauukol ang pagkagulo ng mukha, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga magulang, sapagka't kami ay nangagkasala laban sa iyo.

9. Sa Panginoon naming Dios ukol ang kaawaan at kapatawaran; sapagka't kami ay nanganghimagsik laban sa kaniya;

10. Ni hindi man namin tinalima ang tinig ng Panginoon naming Dios, upang lumakad ng ayon sa kaniyang mga kautusan, na kaniyang inilagay sa harap namin sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na propeta.

11. Oo, buong Israel ay sumalangsang ng iyong kautusan, sa pagtalikod, upang huwag nilang talimahin ang iyong tinig: kaya't ang sumpa ay nabuhos sa amin, at ang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios; sapagka't kami ay nangagkasala laban sa kaniya.

12. At kaniyang pinagtibay ang kaniyang mga salita, na kaniyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga hukom na nagsihatol sa amin, sa pagbabagsak sa amin ng malaking kasamaan; sapagka't sa silong ng buong langit ay hindi ginawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem.

13. Kung ano ang nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kasamaang ito'y nagsidating sa amin: gayon ma'y hindi namin idinalangin ang biyaya ng Panginoon naming Dios, upang aming talikuran ang aming mga kasamaan, at gunitain ang iyong katotohanan.

14. Kaya't iniingatan ng Panginoon ang kasamaan, at ibinagsak sa amin; sapagka't ang Panginoon naming Dios ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga gawa na kaniyang ginagawa, at hindi namin dininig ang kaniyang tinig.

Daniel 9