Daniel 3:7-23 Ang Biblia (TLAB)

7. Kaya't sa oras na yaon, pagkarinig ng buong bayan ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, at ng lahat na sarisaring panugtog, lahat na bayan, mga bansa, at mga wika, ay nangagpatirapa at nagsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari.

8. Dahil dito sa oras na yaon ay nagsilapit ang ilang taga Caldea, at nagsumbong laban sa mga Judio.

9. Sila'y nagsisagot, at nangagsabi kay Nabucodonosor na hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man.

10. Ikaw, Oh hari, nagpasiya, na bawa't tao na makarinig ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, ay magpapatirapa, at sasamba sa larawang ginto.

11. At sinomang hindi magpatirapa at sumamba, ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

12. May ilang Judio na iyong inihalal sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia na si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego; ang mga lalaking ito, Oh hari, ay hindi ka pinakundanganan: sila'y hindi nangaglilingkod sa iyong mga dios, ni nagsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.

13. Nang magkagayo'y sa poot at pusok ni Nabucodonosor, ay nagutos na dalhin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego. Kanila ngang dinala ang mga lalaking ito sa harap ng hari.

14. Si Nabucodonosor ay sumagot, at nagsabi sa kanila, Sinasadya nga ba ninyo, Oh Sadrach, Mesach, at Abed-nego, na kayo'y hindi mangaglilingkod sa aking dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na aking itinayo?

15. Kung kayo nga'y magsihanda sa panahong inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, na mangagpatirapa at magsisamba sa larawan na aking ginawa, mabuti: nguni't kung kayo'y hindi magsisamba, kayo'y ihahagis sa oras ding yaon sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas; at sinong dios ang magliligtas sa inyo sa aking kamay?

16. Si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Oh Nabucodonosor, kami ay walang kailangan na magsisagot sa iyo sa bagay na ito.

17. Narito, ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas; at ililigtas niya kami sa iyong kamay, Oh hari.

18. Nguni't kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.

19. Nang magkagayo'y napuspos ng kapusukan si Nabucodonosor, at ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago laban kay Sadrach, kay Mesach, at kay Abed-nego: kaya't siya'y nagsalita, at nagutos na kanilang paiinitin ang hurno ng makapito na higit kay sa dating pagiinit.

20. At kaniyang inutusan ang ilang malakas na lalake na nangasa kaniyang hukbo na gapusin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, at sila'y ihagis sa mabangis na hurnong nagniningas.

21. Nang magkagayo'y ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may kanilang ibang mga kasuutan, at sila'y inihagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

22. Sapagka't ang utos ng hari ay madalian, at ang hurno ay totoong mainit, napatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking yaon na nagsibuhat kay Sadrach, kay Mesach, at kay Abed-nego.

23. At ang tatlong lalaking ito, si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsibagsak na nagagapos sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

Daniel 3